SIGURADONG maraming negosyante ang nangamba, kung hindi nagalit sa pahayag ni Pres. Rodrigo Duterte na ang nais ay sarado na ang lahat ng establisimento nang hatinggabi para matigil na ang pag-inom at pagbenta ng alak. Ito ang pahayag sa kanyang ika-apat na SONA noong Lunes. Ganito raw kasi sa Davao at maayos naman ang kinalabasan na tanggap na ng tao. Nang matapos ang SONA ay mungkahi lang ang nais ipahayag ni Duterte, dahil nagawa raw sa Davao.
Mahirap talaga ipatupad ang sitwasyong ito. Siguradong marami ang naalala ang panahon ng martial law kung saan ipinatupad ang curfew. Bawal lumabas ng bahay mula alas-dose hanggang alas singko o alas-sais yata. Sa totoo lang ang ginawang kalakaran ni Duterte sa Davao ay maikukumpara sa ginawa ni Marcos noong martial law bagama’t mas maluwag. Pero ipinatupad nga ang curfew. Alam ko, idolo ni Duterte si Marcos. Kung susunod ang Senado at Kongreso sa nais ng kanilang pinuno, wala nang magagawa ang mga negosyante.
Kinontra kaagad ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang mga pahayag ni Duterte sa SONA, kung saan pinapayagan lang daw ang China na mangisda sa loob ng ating EEZ, dahil sa kasunduan kung saan inamin ni Duterte na nakiusap siya kay Chinese President Xi Jinping na payagang makapangisda ang ating mamamayan sa Panatag Shoal, kapalit ang pangingisda ng China sa loob ng ating EEZ.
Hindi raw pag-aari ng China ang buong karagatan, kaya hindi dapat pinayagang makapangisda sa loob ng ating EEZ. At kung nakiusap nga kay Xi Jinping, lumalabas na nagpapaalam na sa may-ari. Palaging sinasabi na mauuwi lang sa digmaan kung saan mauubos lang ang ating mga sundalo kung ipipilit ang ating karapatan sa China. Pero hindi naman digmaan ang habol kundi pagrespeto nga sa ating mga karapatan sa karagatan. At hindi rin isusugal ng China ang isang digmaan sa mahirap na bansa na kaalyado pa ng US kaya mahalaga ang mabuting relasyon dito. Ito nga sana ang maintindihan naman ng administrasyon.