EDITORYAL - Pagbabago sa Maynila

MARAMING dapat baguhin sa Maynila. Unang-una na rito ang trapik na nagpapahirap sa mga motorista at commuters. Nagpapasikip sa trapiko ang napakaraming vendors na sinakop na ang kalsada at halos wala nang madaanan ang mga tao. Hindi masolusyunan ang trapiko sapagkat ang pa­ngongotong ang inaasikaso ng traffic enforcers mula sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB). Sa halip na magmando ng trapiko, kakawayan ang moto­ris­tang nagkamali at kokotongan.

Marumi ang Maynila. Nagkalat ang basura sa kalye. Patunay ang mga basurang hindi hinahakot sa Blumentritt. Maraming basura sa lugar dahil sa mga pa­saway na vendors. Iniiwan nila ang mga basura sa gitna ng kalye at walang pakialam kung magdulot man ang mga ito ng sakit o kaya’y maging dahilan ng pagbaha sa Rizal Avenue at iba pang lugar sa Sta. Cruz area.

Ilang taon na ang nakararaan, isang American actress ang nagsabi na masyadong marumi ang Maynila. Nagtungo sa bansa ang aktres. Sinabi niya na maraming ipis at daga sa mga kalsada sa Maynila. Pinagbawalan nang makabalik sa bansa ang aktres. Persona non-grata. Nagsabi lang naman ng totoo ang aktres. Dapat linisin ang Maynila sa mga basura para walang daga at ipis na pinanggagalingan ng sakit.

Problema ang baha sa Maynila. Marami nang na­ging mayor ang lungsod subalit ang baha ay nanati­ling problema. Ang paligid ng Manila City Hall, España Blvd, Dapitan St., Rizal Avenue, Taft Avenue ay laging binabaha. Sa panahon ng tag-ulan, laging lubog ang mga nabanggit na lugar at walang magawa ang mga residente at commuters kundi tiisin ang baha.

Maraming pulubi, solvent boys, snatchers at iba pang nagkalat na nilalang sa mga kalye ng Maynila partikular sa Avenida at Recto Avenue. Karaniwang nasa mga ilalim ng haligi ng LRT natutulog ang mga pulubi at walang ginagawang aksiyon sa mga ito. Nilipasan ng panahon at nananatili ang ganitong tanawin sa Maynila. Hindi magandang tingnan at nag­papababa sa dating tinitingalang Maynila.

Nang manumpa si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bilang ika-27 mayor ng Maynila noong Hunyo 30, nangako siyang magkakaroon ng pagbabago sa lungsod. Tutuparin lahat niya ang mga ipinangako sa Manileño.

Aabangan ang mga pagbabagong isasagawa ni Isko sa Maynila.

Show comments