NGAYON, mukhang pinagdududahan na ang salaysay ng kapitan ng F/B Gem Ver 1 dahil sa salaysay ni Richard Blaza, kusinero ng bangka. Si Blaza lang umano ang gising nang banggain sila ng barkong pangisda ng China. Wala na sigurong duda na barko ng China ang bumangga dahil sila mismo ang nagbigay ng pangalan ng barko, hindi ba? Ayon kay Blaza, mukhang hindi sila nakita nang tumama ang 42212 sa kanila. Tila ang pahiwatig ay hindi sinadya ang pagkabangga.
Pero bakit nga sila iniwan kung aksidente lang? At siniguradong hindi sila makikilala dahil pinatay pa ang kanilang mga ilaw. Wala ng kredibilidad ang kanilang pahayag na maraming bangkang Pilipino sa lugar kaya natakot sila at umalis. Kung maraming bangka sa lugar, bakit barko ng Vietnam ang tumulong sa kanila para mailigtas? Dapat mga Pilipino ang nakakita sa kanila kung hinahabol nga nila ang barko ng China at doon din ang kanilang direksiyon. Pero sila ang hahabol at maninindak ng barko ng China?
Medyo mahirap yatang paniwalaan iyan. Ang salaysay naman ng kapitan ng Ngo Van Theng, ang barkong Vietnamese ay katugon sa salaysay ng mga mangingisdang Pilipino. Nasagip ang 20 Pilipino matapos ang dalawang oras na palutang-lutang sa karagatan. Nasaan ang pito o walong bangkang Pilipino?
Kung sinadya man o hindi ay iwanan na natin sa imbestigasyon. Pero ang pag-iwan ng mga Chinese sa mga Pilipino sa oras ng pangangailangan ay hindi matatanggap, anuman ang kanilang katwiran. Lumabag sila sa mga batas ng karagatan. Pagiging disente rin sa karagatan ang isyu, bagay na hindi ipinakita ng mga tauhan ng barko ng China. Ganyan na ba ang kalakaran sa West Philippine Sea? Kapag may nabangga na bangka ng Pilipinas ay iiwanan na lang?
Kung si Sen. Ping Lacson ang masusunod, dapat ipatupad na ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at US. Ayon sa kasunduan, kapag sinalakay ang isang bansa, tutulong ang isa. Pero dito na nagkakaroon ng kuwestyon kung kabilang ang mga insidente sa West Philippine Sea, tulad nga nito. Kung papasok ang mga Amerikano, magkakaroon ng balanse ng lakas.
Dagdag pa ni Lacson, malinaw na binu-bully na tayo ng China kaya dapat hindi na hintaying lumala pa, tulad ng paggamit ng armas. Ayaw man ni President Duterte at ni DFA Sec. Teodoro Locsin – minura nga niya ang international na komunidad, ang US ang pinakamatagal na kaalyado ng Pilipinas na makakatulong sa atin.