HINULI ng mga tauhan ng National Park Development Committee (NPDC) ang apat na vendors na nagtitinda ng mga flag ng China sa Luneta. Isiningit ang mga China flag sa Philippine flags na tinitinda para sa nalalapit na Independence Day. Tatlong tao raw ang nag-abot sa kanila ng China flag na paninda at binigyan sila ng P100. Sinadyang ipakita sa CCTV ang pagbibigay at pagbebenta ng mga China flag.
Masuwerte naman ang apat na vendors dahil matapos makausap at makunan ng impormasyon ni NPDC director Penelope Belmonte, pinakawalan din sila.
Hindi dapat palampasin ng pamahalaang Duterte ang pangyayaring ito. Insulto ito sa ating bansa. Hanapin ang tatlong bugok na nagbigay ng mga China flag. Maging leksiyon sana ito sa ilang kababayan na nababayaran ng karampot para masira ang kredibilidad ng bansa.
* * *
Nahuli ng mga tauhan ni National Capital Region Police Office chief MGen. Guillermo Eleazar ang 3 kilabot na drug pushers na may koneksiyon sa Chinese-Muslims syndicate. Nasa P6.8 milyon na halaga ng shabu ang nakumpiska kina Rudy Kidlat y Barba, alias “Kidlat”, Mark Anthony Alcantara y Becina, alias “Maki” at Rona Valenzuella y Gustillo. Ayon kay Eleazar halos isang buwang trinabaho ito ng kanyang mga tauhan sa Regional Drug Enforcement Unit. Natuldukan ang grupong nagsusuplay ng droga sa Maynila at Cavite subalit hindi dapat magrelaks ang pulisya dahil tiyak, may lulutang na bagong grupo.
* * *
Nagpakitang gilas ang bagong upong officer in charge ng Dagupan City Police Station na si Lt.Col. Percival Pineda nang malambat ang hinihinalang drug pusher na si Jimmy Fernandez ng Burgos Extension, Dagupan. Nahuli rin sa drug operation sina Aurora Arzadon y Lacsamana at Jefferson Santos sa Bagong Barrio, Bonuan Gueset, Dagupan City. Kung nais ng mga taga-Dagupan na masawata ang illegal drugs sa kanilang lugar, ipaaalam nila ito kay Pineda. Huwag kayong matakot na inguso ang mga drug pusher sa inyong lugar para masagip sa pagkagumon sa bisyo ang inyong mga anak at iba pang kabataan. Hindi naman ibubunyag ang inyong mga pangalan para sa kaligtasan.