Nagsalita na

HALOS isang linggo ang ipinalipas ni DSWD Sec. Rolando Bautista, dating heneral, bago nagsalita tungkol sa mga maaanghang na salita, insulto at banta na binitawan ni Erwin Tulfo sa radyo dahil hindi pinagbigyan ng kalihim ang interbyu ng broadcaster. Hindi ko na kailangang ulitin pa ang mga sinabi ni Tulfo. Ipinagtanggol si Bautista ng mga aktibo at retiradong militar, partikular ang Philip­pine Military Academy Alumni Association na sinabing mas higit ang nagawa ni Bautista para sa bansa kaysa kay Erwin.

Ayon kay Bautista, tatanggapin niya ang katapatan ng paghingi ng tawad ni Erwin kung ipahahayag niya ito sa iba’t ibang plataporma tulad ng ilang istasyon ng radyo, sa social media at pahayagan na hindi liliit sa kalahating pahina, at magbibigay ng donasyon na hindi bababa ng P300,000 sa iba’t ibang institusyon sa militar at pulis, kabilang ang ilang ospital.

Aabot sa P7.5 milyon ang ilalabas ni Erwin kung papa­yag sa kundisyon ni  Bautista. Hindi ko alam kung magkano ang kalahating pahina sa mga malalaking pahayagan ngayon. Ayon kay Bautista, ang lahat ng kabayaran ay “sa halip ng pambayad ng danyos o bayad-pinsala sa pagkawasak ng aking pagkatao, reputasyon at pati na rin ng mga institusyon na aking kinakatawan o naging kaanib”. Boom!

At kung hindi pa sapat ang mga iyan, bukod sa pagbawi ng PNP sa mga bodyguard niya, inuutusan siya ngayon na isuko ang kanyang mga baril, para pansamantalang itatago ng PNP dahil paso na rin ang mga lisensiya nito.

Habang sinusulat ito, wala pang reaksyon si Erwin sa mga kundisyon ni Bautista. Hindi naman niya siguro babanatan ulit sa radyo. Ang lahat ng bagay at kilos, maging mabuti o masama ay mayroong kabayaran, ika nga.

Sa Pinoy Big Brother Otso, pinatalsik si Banjo Dangalan dahil sa mga pahayag na nais gahasain ang isang housemate. Dapat lang! Kahit ano pa ang sabihin, hindi normal o katanggap-tanggap ang ganyang pananalita ngayon. May hangganan din ang puwedeng gawin at sabihin ng isang mamamahayag, sa kabila ng freedom of the press.

Sa isa pang balita, nagpahayag ang DOJ na tutulong sila sa pagbawi ng P60 milyon na ibinayad ng Department of Tourism sa Bitag Media, pag-aari ni Ben Tulfo, sa ilalim ng pamunuan ni dating DOT Sec. Wanda Teo, kung hihingan sila ng Tanggapan ng Ombudsman. Sabay-sabay na?

Show comments