SA mga mauunlad na bansa lalo na sa Europa, mapapansin na ang mga may mauunlad na ekonomiya ay yaong may matinding pagmamahal at pagpapahalaga sa sariling kultura at wika. The culture is the soul of nationhood, wika nga.
Sa France at Germany, subukan mong makipag-usap sa wikang Ingles sa taong makakasalubong mo at malamang, sasagutin ka nila sa sariling dialekto o lengguahe kahit marunong silang mag-Ingles. Makikita mo ang pagmamahal nila sa wika at kultura sa mga museong nagtatampok ng mga bagay tungkol sa kanilang kalinangan, sining at kaugalian. Ganyan din sa Japan at iba pang bansa sa Malaysia. Ang kanilang mga pahayagan ay nakalathala sa sarili nilang salita at hindi sa hiram na wikang Ingles.
Sa atin ay kakaiba. Ang mga itinuturing na influential na mga babasahin, kasama na ang pahayagan ay nananatili sa wika ng Ingles. Ang mga tabloids ay para lamang sa mga common na tao at nungkang basahin ng mga policy makers, ekonomista, mga opisyal ng gobyerno at iba pang nasa tinatawag na elite bracket. Kapag ang isang Pilipino ay mahusay mag-Ingles, itinuturing siyang intelihente pero kung Filipino, wala siyang binatbat.
Noong nagsisimula pa lang akong sumulat sa diyaryo, mas pinili kong gamitin ang wikang Filipino dahil ang katuwiran ko, ang paghahatid ng impormasyon ay para sa mga kababayan kong Pilipino higit sa lahat. Kakatwa na may ibang manunulat na nagsasabing hindi sila magaling sa pagsulat sa Filipino pero sa Ingles na isang hiram na wika ay dalubhasa sila.Paanong nangyari yaon gayung simula’t sapul nang mamulat tayo sa mundo ay Filipino na ang ating gamit na salita?
Ang wika ay higit pa sa baralila o grammar. Kinapapalooban ito ng emosyon, ugali at karakter ng mga mamamayang kinalakihan ang kanilang likas na kultura. Dapat, higit na may kakayahan ang isang tao sa pagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang kinamulatang wika.
Mahalaga ang English na mapagaralan din natin dahil ito’y paraan para makipagtalastasan tayo sa mga mamamayan ng ibang bansa. Ngunit hindi natin dapat pabayaan at linangin ang ating Wikang Pambansa.
Ngayon, kinatigan mismo ng Mataas na Hukuman ang memorandum circular ng Commission on Higher Education na alisin na sa kurikulum sa kolehiyo ang mga araling panitikan at Filipino. Ang tanong ko ay bakit? Ang CHED, tulad din ng Department of Education ang mga institusyon na dapat mangunq sa paglilinang ng ating kultura at wika. Huwag naman pong alisin ang ating Panitikan at Wikang Pambansa sa aralin sa kolehiyo.