ANG pang-aabuso sa mga manggagawang Pilipino ay hindi lamang nangyayari sa abroad. Aayon kayo sa akin dito na maging sa sarili nating bansa, uso rin ang panlalamang ng mga dayuhan at lokal na employer sa kanilang mga empleyado.
Sinabi ko na sa mga nakaraang kolum ko, may ilang among Instik o Tsinoy na nangunguna sa panlalamang at pang-aabuso ng mga empleyado.
Ang sumbong ng 5 promdi napanood last week sa aming KP Digital ay isa lamang sa napakarami’t parehong reklamo na inilapit sa BITAG Action Center
Ang kanilang pagiging probinsiyano at kakulangan sa kaalaman ang naging kasangkapan kaya sila inutakan at inabuso.
Apat na promding helper ng isang buy and sell, P5,000 kada buwan lamang daw ang kanilang sahod. Ang masaklap, hindi pa ito naibibigay nang maayos ng among Tsinoy.
“Libre kain, wala sahod” ang kanilang hinaing. Awang-awa ako sa mga pobre at ang kinapanting pa ng tainga ko, ni isa sa mga benepisyo ng mga trabahador ay walang hinuhulugan ang kolokoy na amo.
Sa ere, may pagkaangas pang sumagot na “yan lang kaya ko. Saka wala namang alam ang mga ‘yan kundi magkuskos.”
Hindi uubra to sa Pambansang Sumbungan. Eto ‘yung mga gustung-gusto naming tinatabla’t kinakasahan. Labag na sa batas ang ginagawa, hambog pa.
Sa imbestigasyon ng BITAG, ayon kay Atty. Cho Vergara, Chief of Business Permits and Licensing Office (BPLO) ng Caloocan City, na ilegal ang operasyon ng negosyo ng amo dahil wala itong permit mula sa city hall.
Tsk tsk tsk patung-patong na kaso ‘to tsong. May kalalagyan ang kahambugan at pangmamaliit mo sa iyong mga tauhan.
Madali lang naman ang hamon na binitawan ko sa kanya sa ere, “ano gusto mo, bukas negosyo o sarado?” Nangako pa naman ang Caloocan BPLO na aksiyon agad at tutulong na masolusyunan ang problemang ito.
Kinabukasan, dumating daw sa aming tanggapan ang kolokoy na amo, aayusin daw niya ang reklamo ng kanyang mga tao. Nagkataong wala ako ng mga oras na ‘yun kaya ngayong araw na ito, Lunes sila maghaharap.
Abangan ang Part 2 ng reklamong ito. Hindi namin ipagkakait sa sinuman ang handang ituwid ang kanilang pagkakamali.
Ayokong sabihing kumuyos ang bombolyas ni amo kaya inagapan ang pagpunta sa BITAG. Sapat na sa akin ang marinig na alam niya ang nilabag at handa siyang itama ito para na rin sa kapakanan ng mga nagrereklamo.
Hindi kami tinawag na Pambansang Sumbungan para dumada o kumuda lang. Hindi marunong magbanta ang BITAG, “we walk what we talk.”
Dalawa lang naman ‘yan, magtutulungan tayong ayusin ag problema o may kalalagyan ang mga hambog at magmamatigas.