MAINIT at madilim ang classrooms na ginagawang voting precincts. Kung mawalan pa ng kuryente para sa iilang bumbilya at bentilador, ang laking gulo ang kahihinatnan; magwawala ang mga botante na hindi mahanap ang mga pangalan o presinto sa talaan. Hindi rin aandar ang precinct count optical scanners. Hindi maisusubo ang mga balota sa makina, walang iluluwal na voting receipts, hindi mabibilang ang mga boto. Magkakagulo ang bansa. Itatakwil ng mamamayan ang resulta.
Malamang maganap ang krisis. Ngayon pa lang ay nagba-blackout na sa Luzon. Kapos ang kuryente sa mga ordinaryong araw. Red alert ang sitwasyon: ibig sabihin mas malaki ang demand kaysa supply.
Mali ang pagsisi sa Meralco. Pinaka-malaking power distributor nga ito sa Luzon: 70% ng rehiyon ang sakop. Pero miski sa 30% na nasa labas ng Meralco franchise area ay kinakapos din ng kuryente. Hindi rin masisisi ang distributors at retailers sa 30%.
Kulang ang kabuoang kuryente na nage-generate. Siyam sa malalaking generation plants ay bagsak, nasira. Kapos ang produksiyon ng mga natitirang planta.
Sinisisi ang mga nakabinbin na papeles sa Energy Regulatory Commission. Dalawang uri ang mga ito. Una, ang power supply agreements ng generators at distributors; hindi ito mapapatupad nang walang pagsang-ayon ng ERC. Ikalawa, ang aplikasyon ng mga bagong planta. Kung maaprobahan ito, tatlo hanggang limang taon bago maitayo ang mga naturang planta.
Nabinbin ang papeles sa ERC dahil matagal ng kapos sa tamang dami ng commissioners. Natagalan bago sibakin ang mga pinasuspindi ng Ombudsman dahil sa katiwalian. Malala na ang sitwasyon nang sa wakas ay pinalitan na sila.
Sa huli ang sisi ay sa Dept. of Energy. Pumalpak ito sa pag-alam at pagplano ng hustong supply. Tungkulin ito ng DoE.