IBANG mag-isip ng proyekto si Cagayan de Oro Mayor Oscar Moreno. Binuhusan niya ng pondo ang programang pangkalusugan dahil ito ang mas kailangan ng kanyang contituents. Kaya hindi na kailangan pang lumayo sa kanyang lalawigan ang mga residente roon dahil naroon na ang modernong hospital at dalubhasang doktor. Nasa tamang landas siya dahil ito rin ang pangarap ni President Duterte na mabigyang lunas ang mga nagkakasakit at mga nangangailangan ng serbisyong pangkalusugan. Bakit nga naman lalayo pa ang mga residente kung naroroon na ang mga ospital at doctor. Malaki ang matitipid nila sa pamasahe. Dahil sa proyektong ‘yan, sinaluduhan ng mga residente si Moreno.
Sa ngayon, libong foreign at local tourist na ang dumarayo sa kanilang mga resort dahil mas-safe na pasyalan. Mahigpit kasing ipinagbibilin ni Moreno sa mga pulis at sundalo na bantayan ang buong lalawigan upang maging ligtas ang mga bisita. Habang dumarami ang mga turista tiyak na tatangkilikin ang kanilang local product na makapagbibigay ng hanapbuhay sa mga taga-CDO. Pangunahin din kay Moreno ang programang pangkalusugan upang maging malusog ang pamayanan. Pinagbubuti ng pamahalaan ng CDO ang kanilang serbisyong pangkalusugan upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente. Umabot sa P2.15 bilyon ang inilaan ng lokal na pamahalaan para sa serbisyong panlipunan, at tinatayang P1.16 bilyon ang halagang mapupunta sa mga programang pangkalusugan. Kabilang sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan ay ang 2 satellite hospitals sa Bgys. Tablon at Lumbia, na sinimulan noong nakaraang taon.
Samantala, binuksan na ang North Wing building ng JR Borja General Hospital (JRBGH). Ang bagong wing ng JRBGH ay parte ng Health Facility Enhancement Program ng DOH. Sa kanyang pahayag kamakailan, pinuri ni DOH Secretary Francisco Duque III si Moreno dahil sa dedikasyon na bigyan ng maayos na pasilidad ang mga residente sa lungsod. “One beautiful thing that happened to Cagayan de Oro is the stewardship of Mayor Moreno, who has engineered the transformation not only of JR Borja Hospital but the city as well,” sabi ni Duque sa inagurasyon ng bagong wing. Bukod sa mga nasabing proyekto, plano rin ni Moreno na magtayo ng health centers sa liblib na lugar upang mapalawak ang kanilang serbisyong pangkalusugan. Samantala, isa ang CDO na balak gawing pilot area para sa Universal Health Care program ng DOH. Ayon kay Moreno, personal siyang tinanong ni Duque kung gusto ba niyang maging pilot city ang CDO para sa programa ng Duterte administration, na kanyang sinang-ayunan dahil makakatulong ito na pagandahin ang serbisyong pangkalusugan sa lungsod.