PANAHON pa ni dating Presidente Noynoy nung 2013 nang dumating sa Pilipinas ang tone-toneladang kargamento na ang laman pala ay mabahong basura.
Nang dumalaw sa bansa si Canadian Prime Minister Trudeau para sa ASEAN summit, nangako siyang aasikasuhin ang pagresolba sa isyu. So far so bad. Andiyan pa rin ang basura.
Sabihin man na mga pribadong kompanya ng Pilipinas at Canada ang may kagagawan nito, may pananagutan ang dalawang gobyerno na gawan ito ng aksyon. Dapat ding panagutin ang mga sangkot na opisyal at tauhan ng ating pamahalaan na nagbigay ng go-signal para maipuslit sa loob ng bansa ang mga basura. Hindi makakapasok sa bansa ang ano mang ilegal na kargamento kung walang basbas ng Bureau of Customs at ng mas mataas na opisyal sa ehekutibo.
Isa pang “blackeye” iyan sa mga kandidatong may kaugnayan sa nakaraang administrasyon. Obviously, ilegal na pinauupahan ng ilang malakas ang kapit sa gobyerno noon ang ating mahal na bansa para gawing tambakan ng basura mula sa ibang bansa. In other words, may nagkamal ng kayamanan.
Akala ko magsasawalang-kibo na lang ang kasalukuyang administrasyong Duterte. Salamat at mali ang akala ko. Galit na galit na ipinag-utos ng Pangulo ang pagpapabalik sa naturang basura na limang taon nang nakatambak sa ating kinawawang bansa. Ano tayo, dumpsite capital of the world?
Anang Pangulo, gigiyerahin niya ang Canada at maghahanda ng barko na maghahatid sa kargamento pabalik sa naturang bansa, sa darating na linggo. Sana hindi ito bunga ng labi lang kundi totohanang planong ipatutupad sa lalung madaling panahon. Sana, hindi ito pampapogi lang sa mga kandidato ng administrasyon. Aping-api na nga tayo sa China na nananakop sa ating exclusive economic zone, gagawin pa tayong tambakan ng basura ng Canada?