Libreng Wifi

KABILANG  sa pangako ni Presidente Duterte nang unang maluklok bilang Pangulo ay ang pagkakaroon ng libreng internet service sa mga Pilipino. Marami ang umasa rito dahil sa modernong panahon ay isa nang basic need ang WiFi. Kailangan ito sa pakikipagkomunikasyon natin sa ating mga kaanak o kaibigan na nasa malayong lugar.

Mayroon ng isang batas ngayon na naghihintay na lamang ng pirma ng Pangulo. Libreng WiFi pero sa mga transportation terminal lang at hindi sa lahat ng lugar.

Ito ay nag-aatas na gawing sapilitan ang pagbibigay ng libreng internet services at malinis na comfort rooms sa mga transport terminals. Lusot na sa dalawang kapulungan ng Kongreso at naipadala na sa Malacañang para malagdaan ng Pangulo ang naturang panukalang batas. Sana ay huwag nang patagalin ng Pangulo ang paglagda rito. 

Ngunit kahit hindi malagdaan, awtomatiko itong ma­gi­ging batas matapos ang isang buwan sapul nang ito’y ipadala sa Pangulo. Umaasa si Senator Grace Poe, chair ng Senate Committee on Public Services at principal author­ ng panukala na lalagdaan ito ng Pangulo. 

Importante ang batas na ito lalu na sa mga estud­yante na nagsasagawa ng research para sa kanilang pag-aaral.

Sa ilalim ng panukala ang mga transportation at roll-on/roll-off terminals sa buong bansa ay dapat magkaroon ng malinis na restroom at pasilidad sa libreng internet.

Hindi lang iyan. Ang mga terminals ay dapat ding magkaroon ng lactating stations para magamit ng mga ina sa pagpapasuso sa kanilang mga supling.

 Kapag naging batas na, ang mga may-ari, operator­, o administrator ng mga land transport terminals, stations, stops, rest areas at RORO terminals na hindi susunod sa standards para sa malinis na pasilidad ay pagmumultahin ng P5,000 bawat araw ng paglabag at hiwalay na  P5,000 sa bawat araw na maniningil sila ng bayad mula sa mga pasahero para sa paggamit ng kanilang pasilidad.

Show comments