Pagka-makabayan natin masusubukan ngayon

WALA pang bansang Pilipinas nu’ng mangahas sina Rizal at Bonifacio, Jacinto at Lopez Jaena, Aguinaldo at del Pilar­ ng kasarinlan. May konsepto sila at nakakaramdam ng pagmamahal sa lahing Pilipino, kaya naghangad ng reporma at kalayaan mula sa pang-aapi ng dayuhan. Sinakri­pisyo nila ang kasaganahan -- at mismong buhay -- para sa Inang Bayan. ‘Yun ang henerasyon ng ating mga ninuno.

Kasisibol pa lang ng Philippine Commonwealth nu’ng lumaban sina Jose Abad Santos, Wenceslao Vinzons, at Vicente Lim sa isa muling manlulupig. Mga batang opisyales na sibil at militar sila na matapang hinarap ang pasakit, at nagbuwis din ng buhay. Dahil sa kanila ay isinilang ang ating Republika. Henerasyon sila ng ating mga lolo’t ama.

Kasagsagan naman ng dahas ng lokal na diktador nu’ng nanindigan sina Ninoy Aquino, Edgar Jopson, at Lean Alejandro. Malalim ang pagmamahal nila sa Pilipinas­, at sa mamamayang Pilipino. Mga bata pa sila o nagpapa­laki pa lang ng mga anak. Pero inilaan nila ang buhay para sa demokrasya. Sila ang henerasyon ng ating ama’t kuya.

Meron na namang nanlulupig -- kapitbansa natin sa Asya at kadugo pa ng marami sa ating mga Pilipino. Hindi­ nila dinadaan sa lantarang dahas ng dayuhang sandata­han, kundi sa pamamagitan ng mga bayarang pinuno ng gob­yerno. Inagaw nila nu’ng 2012 ang Scarborough Shoal na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas. Nagtanod sila ng mga armas at tropa sa pitong bahura sa ating exclusive economic zone. Binabangga, binubulabog nila ang ating mga patrolya at mangingisda. Binabantaan tayo ng karahasan kung igiit natin ang soberenya. Ang mga bayarang tuta nila sa gobyerno mismo ang nagpapatahimik sa ating mga lokal­ na opisyales para ma­itago ang pambubusabos sa Pilipino. Ito ang ating henerasyon. Ipagkakanulo ba natin ang bansa sa manlulupig?

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments