NOONG Biyernes, nagpahayag ang Palasyo na sinibak si PCSO General Manager Alexander Balutan, dahil sa umano’y mga “seryosong alegasyon hinggil sa katiwalian”. Nangyari iyon isang araw makaraang ipahayag ni Balutan na bumaba ang benta ng tiket ng lotto magmula nang ipatupad ang buwis kaugnay sa TRAIN law at sa mga premyong hihigit sa P10,000. Dahil bumaba ang benta, hindi rin lumalaki kaagad ang mga premyo. Mga malalaking jackpot ang umaakit umano sa mga tao na bumili ng tiket.
Naaalala ko na naman si dating Dangerous Drugs Board (DDB) Chief Dionisio Santiago. Sinibak daw siya dahil sa mga paulit-ulit na biyahe at katiwalian. Sinibak siya ilang araw nang magpahayag na ang malaking rehabilitation center sa Nueva Ecija ay isang pagkakamali. Ang kanyang pinalitan sa DDB ay ganundin ang nangyari. Kinontra ang mga pahayag ni President Duterte hinggil sa bilang ng mga lulong sa droga, kaya sinibak. Peligroso talaga ang posisyon kapag kinontra si Duterte, maliban na lang kung dikit ka sa kanya.
Pero isang araw matapos ang pahayag ng Palasyo na siya ay sinibak dahil sa mga alegasyon ng korapsyon, nagpahayag naman si Balutan na siya ay bumitiw sa tungkulin, dahil sa mga bagay “na hindi na niya masikmura”. Hindi naman siya nagpaliwanag pa. Sinabi lang niya na noong ipinasok siya sa PCSO, sinabi niya sa mga empleyado na oras na may ipinagawa ang Tanggapan ng Pangulo o Kongreso na bagay na hindi niya masisikmura, magbibitiw siya.
May mga sumuporta naman kay Balutan, partikular ang mga kasama sa militar. Si Balutan ay dating major general ng Philippine Marines, na lumaban sa mga rebelde sa Mindanao at tumanggap ng mga karangalan bilang sundalo. Pero kung si Sen. Panfilo Lacson ang tatanungin, dapat ay kasuhan ng Palasyo si Balutan dahil sa mga alegasyon. Nagbago na rin daw ang tingin ni Lacson kay Balutan. Kung naniniwala nga ang Palasyo na sangkot si Balutan sa korapsyon, kasuhan na nga. Ito na rin ang pagkakataon ni Balutan na magsalita, kung may nais siyang sabihin tungkol sa kanyang pagbitiw, na kontra sa pahayag ng Palasyo na siya ay sinibak. Sa ngayon, ang nalalaman lang ng publiko ay ang kanya-kanyang mga pahayag, na wala rin namang mas malawak na paliwanag.