SA ilalim ng batas (Domestic Adoption Act of 1988 – RA 8552) kailangan ng kasulatan para sa pagpayag sa pag-ampon ng mga sumusunod na tao: 1) ang aampunin kung higit 10 taon ang kanyang edad; 2) ang tunay na magulang o kaya ay ang tumatayong guardian o kaya ay ang ahensiya ng gobyernong namamahala sa batang aampunin; 3) ang mga anak na babae o lalaki ng mag-aampon kung higit 10 taon na ang edad; 4) ang mga anak sa labas ng mag-aampon lalo at nakatira kasama nila at higit 10 taon ang edad; 5) ang asawa ng mag-aampon kung mayroon man. Kung halimbawa ay hindi nakuha ang pagpayag ng nanay ng batang aampunin, legal pa rin kaya ang pag-aampon? Kailan masasabing legal na inampon ang bata kahit pa hindi nakuha ang pagpayag ng kanyang ina? Ang pinansiyal na kakayahan ba ng mag-ampon ay mahalagang kunsiderasyon din? Ang mga tanong na ito ang sasagutin sa kasong ito.
Ito ang kaso nina Greg at Aileen, mag-asawa sila at may 5 taon na silang nagsasama. Mayroon na silang 3 anak, sina Joy, Ruby at Gela. Sa kasamaang-palad ay nagkaroon ng trahedya at namatay si Greg, 1 taon matapos maipanganak si Gela. Noong namatay si Greg ay sinaklolohan sina Aileen ng kanyang mga biyenan. Nahiya naman si Aileen na basta lang umasa sa tulong ng mga ito kaya naisipan niyang pumasok bilang katulong sa Italy. Isinangla ng mga biyenan ni Aileen ang lupang sinasaka para lang matustusan ang pagtatrabaho nito sa Italy kahit pa sabihin na kailangan din nila ng pera para sa regular na pag-inom ng gamot. Iniwan ni Aileen ang 3 anak sa pangangalaga ng kanyang biyenang babae na tumayong guardian ng mga apo.
Habang nagtatrabaho sa Italy si Aileen ay nakilala niya si Nico, isang Pilipino at may asawa. Nagpaplano na itong magsampa ng annulment kahit pa patuloy na sinusuportahan ang pamilya. Naging magkalive-in sina Aileen at Nico. Nagkaroon sila ng 1 anak na lalaki at naging mga residente ng Italy. Sa kabila nito. patuloy pa rin si Aileen sa pagpapadala ng pera para sa mga naiwang anak sa Pilipinas.
(Itutuloy)