KATAKA-TAKA ang salita ng dalawang pinuno ng House of Representatives at isa sa Senate tungkol sa pagbaba nila sa edad-12 ng criminal liability. Ayaw daw nila pakinggan ang payo ng mga espesyalista sa pediatrics, brain development, psychology, criminology, at penology na panatilihin ito sa edad 15. Bakit daw “puro na lang agham ang batayan, imbes na aktuwal na karanasan.”
Ewan kung ano ang ibig nila sabihin du’n. Pero malinaw ang tinuturo sa elementary science at sa doctorates -- na ang agham ay aktuwal na pangyayari o karanasan, na siniyasat ng tao, at pinagbuuan ng konklusyon o aral. Taliwas ‘yun sa kathang-isip, tsismis, o guni-guni.
At ano pa nga ba ang dapat na batayan ng pambabatas kundi agham? Hindi dapat sabi-sabi, o pagpapalakas sa Pangulo, o suhol.
Subukan nga natin ang tatlong naturang kontra-agham na mambabatas. Ano kaya ang gagawin nilang batayan sa tatlong bagong sitwasyon sa bansa at mundo na dapat harapin ng makabagong batas?
Una, lumilimit ang mapanganib na pagpapalipad ng drones sa loob ng airport perimeters. Sa US at sa Canada nakabangga’t nakasira na ang mga ito ng eroplano at helicopter -- na mabuti na lang ay nakalapag nang matiwasay. Ano ang dapat na isabatas: isang science fiction Superman na magbabantay sa airports, o pagrerehistro ng drones at pag-install ng “geo-fences na pambara sa signal ng remote control at drones?
Ikalawa, ang Internet, mobile signal, at radio-TV ngayon ay maari nang idaan sa satellite, kaya nagiging mura sa buong mundo. Pero sa Pilipinas hindi maka-diretso ang Facebook, Twitter, Viber, WhatsApp, atbp. sa users via satellite dahil obligado silang dumaan at magbayad sa mahal na telcos. Ang dapat bang gawing batas ay “open access data transmission”, o mag-mental telepathy na lang lahat ng tao?
Ikatlo, may bagong subok na gamot sa HIV/AIDS. Dapat ba itong pondohan sa batas, o magpasuhol muna sa pharmaceutical distributor?