MANILA, Philippines — ANG isa sa pinaka-malaking problema nating mga Pinoy ay kawalan ng disiplina. Bakit ang ibang bansa ay napapasunod nila sa batas? Tayong mga mahihilig pumasyal sa bansa ay sumusunod tayo sa kanilang ipinapatupad na batas pero sa sarili nating bansa ay hirap natin itong gawin.
Una na riyan ang mga motorista, napakahilig sumingit sa kalsada lalo na kung traffic at nagmamadali ang mga ito. Naku, humahagibis ang kanilang mga sasakyan. Kahit na naglagay na ng linya o guhit ang MMDA upang manatili ka lang sa iyong lugar sige pa rin sila sa singit nang singit tapos ang nagiging resulta, aksidente at gasgas ang mga sasakyan. Maanong pumila dahil pare-pareho lang naman kayong naiipit sa traffic.
Pumapangalawa riyan ang jaywalkers na mahilig makipagpatintero sa mga sasakyan. Hindi nila alintana ang aksidenteng mangyayari sa kanila. Madalas silang makipaghabulan sa mga traffic enforcer na humuhuli sa kanila. Gaano ba kahirap sa ating mga Pinoy ang sumunod sa batas? Naglalakihang mga karatula ang nakapaskil na bawal tumawid ay sige pa rin tayo sa pagtawid.
Hilung-hilo na ang mga taong nagpapatupad ng batas sa kalsada. Hindi n’yo alintana ang P500 multa at pag walang pambayad ay community service kaya naisip nila ang NBI clearance. Alam nating lahat na isa ‘yan sa importanteng hinahanap tuwing tayo ay umaaplay ng trabaho. Kaya malaking babala ito para sa mga pasaway nating kababayan. Siguro naman kaya na nilang basahin ang mga karatula ng MMDA at kaya na rin nilang akyatin ang mga footbridge na itinayo para sa kanila.
Para sa akin ay give and take dapat. Sumunod lang tayo sa batas ay malaking bagay na nakatulong sa gobyerno. Kaya kulang tayo sa pag-unlad dahil wala tayong disiplina sa sarili.