PARA sa akin walang mali sa ginawang pagpuna ni Rep. Rolando Andaya sa trabaho ni Budget Sec. Benjamin Diokno. Ipaubaya sana ni President Digong sa Kongreso upang malaman ng taumbayan kung sino ang nagsasabi ng totoo. Alalahanin sana na ang Konstitusyon ay binubuo ng tatlong sangay ng gobyerno, Kongreso, Executive Branch at Supreme Court na equal ang trabaho. Siguro naman matinding pagre-research ang ginawa ni Andaya bago niya binira si Diokno di ba?
Hindi ko iniisip na kurakot na opisyal si Diokno. Sa katunayan, masasabi kong hardworking at honest siyang tao. Hindi matatawaran ang kanyang kakayahan pagdating sa paghawak ng pera dangan nga lamang siguro malambot ang kanyang kumpare at kapamilya. Ito namang si Andaya matinik sa pananaliksik kung saan pinarte-parte ang pondo ng bayan, natunton nya kung kani-kanino mapupunta ang naglalakihang proyekto at nakakabit ang pangalan ni Diokno.
Kung maalala n’yo si Andaya ang dating Budget secretary noong Arroyo administration kaya alam niya ang pasikut-sikot sa ahensiya. Kaya palagay ko hindi ‘yan magsasalita ng “out of thin air”. Ang nakalulungkot lang dito, pinatigil na ni Digong si Andaya sa pagsatsat.
Paano malalaman ang katotohanan kung sa kalagitnaan ay tinuldukan na? Nasisira raw ang imahe ni Diokno? Ang sa akin ay ito: hayaang gumulong ang imbestigasyon at may pagkakataon naman si Diokno na ipagtanggol ang sarili. Di ba sabi niya tinatawag siyang Dr. No? ng kanyang mga kaibigan at kakilala.
Maanong pinatapos muna si Andaya sa imbestigasyon bago siya pinatalsik sa puwesto bilang majority floor leader besides meron namang sharing agreement.
Hangga’t maari iwasang magsabong ang Malacañang at Kongreso dahil nalilito ang mga botante kung kanino papanig sa dalawang hinahangaang opisyal ng gobyerno.