Mabuti naman at nakinig ang pamahalaan sa panawagan nang marami na alisin na ang pinapataw na buwis sa mga produktong petrolyo sa darating na Enero 2019. Kung nagmatigas pa ang pamahalaan ukol dito, maaaring lumubha pa ang nararanasang inflation na umabot sa 6.4 percent.
Masyadong mataas kasi ang buwis ng petroleum products. Para sa 2018 ang buwis ng gasolina ay P7.00 bawat litro. Kung hindi nasuspende, sa 2019 ay P9.00 ang magiging buwis nito at sa 2020 ay P10.00 bawat litro. Mai-imagine kung gaano kamahal ang idadagdag sa gasolina na papasanin naman ng mga karaniwang mamamayan.
Para sa diesel, ang tax ngayong 2018 ay P2.50 bawat litro. Sa 2019 ay magiging P4.50 at sa 2020 ay magiging P6.00 bawat litro.
Nang magmahal ang presyo ng langis sa world market, lalo pang tumaas ang presyo sa bansa sapagkat pinatungan pa ng excise tax. Kapag hindi tumigil ang pagtaas ng langis, lalong magiging kawawa ang mahihirap sapagkat sila ang apektado.
Kasunod sa pagtaas ng presyo ng petroleum products ay ang pagtaas ng bilihin gaya ng bigas, sardinas, mantika, karne, isda at iba pa.
Sana ay hindi na iimplement ang tax sa petroleum products kahit pa bumaba ang presyo ng oil sa pandaigdigang pamilihan. Dapat makita ng gobyerno na ang tanging apektado ng pagtaas ng langis ay ang karaniwang mamamayan kaya ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo ay mabigat sa balikat. Paano maiaahon sa hirap ang nakararami kung papatawan ng tax ang gasolina at diesel taun-taon. Pasakit ito sa mga mahihirap.
Hindi ito magiging tugma sa vision ni President Duterte na gusto niyang guminhawa ang buhay nang lahat. Ayaw niyang may mahihirapan. Dapat permanente nang suspendehin ang excise tax. --- REYNALDO MAAS, Calamba, Laguna