NOONG nakaraang linggo, sandamakmak na tuligsa ang inabot ni Sen. Tito Sotto dahil sa panukala niyang baguhin ang huling linya ng ating Pambansang Awit na “…ang mamatay ng dahil sa’yo,” dahil ito ay defeatist o nagpapahiwatig ng pagkatalo.
Matapos ang mga matinding batikos na natanggap sa social media, umatras ang Senador sa panukala. Sa kanyang post sa Twitter, sinabi ni Sotto na: “Ayaw nyo? Hwag!”
Pero mahihiwatigan ang kanyang hinanakit sa Senador. Aniya, maraming hindi nakakaintindi sa kanyang panukala. Ako, nauunawaan ko ang lohika ni Sotto. Ngunit huwag nating kalimutan na ang Lupang Hinirang ay naisulat sa panahong nakikidigma ang ating mga magigiting na bayani laban sa mga manlulupig na dayuhan. Literal silang nagbuwis ng buhay pero hindi nagpaawat alang-alang sa kalayaan ng Inambayan. Kaya nga: “Aming ligaya na pag may mang-aapi, ang mamatay ng dahil sa iyo.” Ang kompositor na si Joey Ayala ay gumawa ng unofficial version na ang huling linya ay: “Ang magmahal ng dahil sa iyo.” Maganda at hindi masama. Pero mawawala ang tunay na diwang ibig isalaysay ng awitin. Ito ang dakilang sakripisyo ng ating mga bayani para sa kalayaan. Hindi ito dapat malimutan ng madla.
Sa ating Pambansang Awit, hindi pagkatalo ang inihihiwatig ng kamatayan kundi tagumpay ng ating mga bayani.
Pero susuportahan daw ni Sotto ang bersiyon ng pagkanta ni Joey Ayala ng National Anthem. Tama umano ang pagbigkas at ang tono.
Sa ganang akin, kung may magpapanukalang baguhin ang Pambansang Awit o maging ang Bandila, hindi ito dapat gawin sa pamamagitan ng lehislasyon lamang kundi dapat isangguni sa mga mamamayan sa isang referendum upang taumbayan ang magpapasya.