URONG-sulong ang Pilipinas sa parusang kamatayan. Kontra na ngayon sa bitay ang simbahang Katoliko, pinaka-laganap na relihiyon sa bansa. Pero ipinababalik ito ni President Rody Duterte sa Kongreso. Hindi mabatid ng mga mambabatas kung epektibo ngang parusa ito.
Nu’ng 1987 sa Panguluhan ni sarado-Katolikong Cory Aquino naging unang bansa sa Asya ang Pilipinas na nag-alis ng parusang bitay. Nu’ng 1993 sa kasagsagan ng kidnapan ibinalik ito sa paraang lethal injection. Umangal ang mga Katolikong obispo na tanging maralitang bilanggo lang ang nabibitay dahil sa hustisyang bayaran. Nu’ng 2006 sa Panguluhan ng pala-simbang Gloria Macapagal Arroyo inalis muli ito.
Ngayong kasagsagan naman ng salot na droga ibinabalik ng Kongreso ang sukdulang parusa. Ipinasa na ito ng House of Reps sa mainitang sesyon nu’ng 2017. Tinanggal sa pagka-Deputy Speaker si GMA dahil kumontra siya sa panukala. Ngayong Speaker na si GMA -- at nangangakong ipatutupad ang mga naising batas ni Duterte -- ano kaya ang gagawin niya? Ang kanyang alalay pero Minority Leader Danny Suarez, na noo’y pabor sa pag-alis ni GMA sa bitay, ay nagpapanukala ngayon ng pagbalik nito. Kontra kay Suarez si Deputy Minority Leader at kapwa-GMA alalay na si Lito Atienza.
Sa Senado isinusulong ng komite ni Born-Again Christian Manny Pacquiao ang bitay. Ipinahayag kamakailan ni Pope Francis ang bagong Katekismo na kontra sa bitay. Pero para kay Pacquiao, na tulad ni Pope Francis ay laban sa contraceptives, may batayan sa Bibliya ang parusang kamatayan. Hindi ito deterrent, o panakot sa iba na huwag magkasala, kundi pagbayad ng utang na dugo. Sarado-Katolikong tulad ni GMA si Senate President Tito Sotto. Laban din siya sa contraceptives. Uupuan din kaya niya ang panukalang bitay, tulad ni GMA?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).