SA aking pagkakatanda mula nang ako’y mag-umpisang pumasok sa paaralan, tuwing umaga bago magsimula ang klase ay nagkakaroon muna ng tinatawag na flag ceremony kung saan inaawit ang ating Pambansang Awit o Lupang Hinirang habang itinataas ang watawat. Lahat tayong nakaranas pumasok sa paaralan ay alam ang ganitong gawain. Musmos pa lamang tayo ay itinuro na ito ng ating mga magulang at guro na kapag narinig nating inawit ang Lupang Hinirang tayo ay tumatayo nang tuwid at inilalagay ang ating kanang kamay sa tapat ng puso.
Kabastusan ang ginawa ng mga taong hindi tumayo habang inaawit ang Pambansang Awit sa isang sinehan sa Lemery, Batangas at meron ding nahuli ang mga otoridad sa isang sinehan sa Imus, Cavite. Sa tingin ko, ang mga nahuli ay kabataan kaya huwag palusutin ang mga ‘yan. Bigyan ng leksiyon upang hindi mapamarisan ng iba. Kung, susuriin napakasimpleng batas ng Flag and Heraldic Law (FHL) pero hirap pang sundin ng ating mga kababayan. Maliwanag na nilabag ng mga ito ang batas kaya para sa akin ay mas maganda sanang parusa ang pagkakulong na lang kaysa magmulta, kasi sa kulungan habang sila’y nagmumuni-muni maiisip nila na mali ang kanilang ginawa.
Huwag nating isantabi ang mga minana nating kultura sa ating mga bayani. Hindi lingid sa ating lahat kung anong hirap ang dinanas nila upang ipagtanggol ang ating bayan. Oo nga’t maraming naglalabasang makabagong pagkakaabalahan ng bawat isa tulad ng mga gadgets pero ang pagbibigay-galang naman sa ating bandila ay huwag kalimutan. Dugo at pawis ang puhunan ng ating mga bayani, tayo ay tatayo na lang nang matuwid ay hirap pa nating gawin. Gusto ba nating pati mga kabataan sa susunod na henerasyon ay tularan tayo?