SI dating Chief Justice Reynato Puno ang namumuno sa consultative committee na bumalangkas ng panukalang saligangbatas para sa isang ipinapanukalang Federal System sa ating bansa.
Ang pinakamahalagang probisyon sa balangkas ng karta ay ang anti-dynasty provision na nagbabawal sa mga malalapit na kaanak ng isang nanunungkulan sa pamahalaan sa pagtakbo sa anumang puwesto.
Kahit sa kasalukuyang konstitusyon natin ay may ganyang probisyon pero marami pa ring magkakadugo na sabay-sabay humahawak ng elective position sa pamahalaan. Ngunit bakit hindi nasusunod? Kasi walang enabling law para dito. Walang sino mang mambabatas ang nangangahas na magpatibay ng enabling law dahil sa pangambang mawawasak ang kanilang “kaharian.” Kay sagwang sistema.
Ayon kay Puno, mag-aatras siya ng suporta sa pederalismo kung tatanggalin ang anti-dysnasty provision.
Bilang dating Chief Justice, hinangaan ko si Puno. Tawag ko nga sa kanya ay “may favorite CJ,” na kapag inuungkat ko sa kanya ay bahagya lang siyang napapangiti. Tama siya sa paggigiit sa pagkontra sa dynasty dahil ito’y ugat ng maraming uri ng korapsyon sa bansa.
Komo ang mga nanunungkulan ay magkakadugo, puwede silang magsabwatan sa paggawa ng kabalbalan.
Sana nga ay huwag masilat ang anti-dynasty provision sa panukalang konstitusyon para ipakita sa taumbayan na ang isinusulong na Federal System ni Presidente Duterte ay may sinserong layuning repormahin ang sistema ng pamahalaan sa bansa para sa kapakanan at pakinabang ng sambayanang Pilipino.