NOONG nakaraang Martes, ginunita ang World Environment Day. Taun-taon ay ginugunita ito para maipaalala sa mga tao sa buong mundo na pangalagaan, ingatan, mahalin at huwag dumihan ang kapaligiran. Pero kabaliktaran ang nangyayari ngayon sapagkat sa halip na pangalagaan, lalo pang dinudumihan ang kapaligiran. Dito sa bansa, mabibilang na ang mga estero na walang basura. Halos lahat ng mga estero ay namumutiktik sa mga basurang plastic.
Isang halimbawa ay ang Estero de Magdalena sa Tondo, Maynila na halos hindi na gumagalaw ang tubig o umaagos dahil sa dami ng mga basura. Lahat ay mga plastic ang makikita – plastic shopping bags, plastic cup ng coffee, milktea, sachet ng coffee, shampoo, plastic na silya, softdrinks at marami pang plastic na basura.
Ang mga taong nakatira sa barung-barong na nasa mismong estero nakatayo ang dahilan nang maraming basura. Naging basurahan na nila ang estero. Tapon lang nang tapon. Ang estero rin ang naging kubeta nila. Deretso lahat ang dumi at basura nila sa estero. Humahantong ang Estero de Magdalena sa Manila Bay.
Isa pang maraming basurang plastic ay ang ilog na nasa ilalim ng Sevilla Bridge sa Mandaluyong. Halos hindi na rin umaagos ang ilog dahil sa dami ng mga basurang plastic. Sinubukan nang linisin ang ilog subalit nawalan din ng saysay sapagkat naging basurahan din ng informal settlers ang ilog. Maraming iskuwater sa gilid ng ilog at dito nila itinatapon ang kanilang mga basura.
May responsibilidad ang mga pinuno ng barangay na nakakasakop sa mga estero. Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) kargo ng mga barangay chief ang mga basurang inaanod sa estero. Sila ang mananagot kapag naging marumi ang esterong nasasakupan. Pero hindi naipatutupad ng MMDA ang kautusan.
Nararapat nang magkaroon ng matigas na paninindigan ang MMDA ukol sa mga esterong pinagtatambakan ng basura. Kasuhan ang mga barangay officials sapagkat sila ang may hurisdiksyon.
Gumawa rin naman ng paraan ang pamahalaan kung paano aalisin sa gilid ng mga estero ang squatters na nagpaparumi at sumisira sa kapaligiran. Kung hindi sila maililipat, patuloy ang problema sa basura.