ISANG pulis ang inilipat ng assignment matapos malaman ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na tinitira siya nang husto sa social media. Mabanggit ko na taga-Davao City Police Force ang inilipat. Hindi naman pinangalanan ang nasabing pulis. Maaalala na ilang pulis ang bumatikos at tumira kay Albayalde nang maging hepe ng PNP. Ayon kay Albayalde, maaari silang kasuhan ng “conduct unbecoming of a police officer”, at maaaring matanggal sa serbisyo. Siyam ang humarap kay Albayalde nang malaman kung sino sila, dalawa ang hindi sumipot. Maraming ganyan. Matapang sa internet.
Totoo nga ba ang balita na may mga pulis-Davao na hindi matanggap ang pagtalaga kay Albayalde bilang hepe ng PNP? Totoo ba na masama ang loob na hindi galing sa kanilang hanay ang pinili ni Pres. Rodrigo Duterte, tulad ni Gen. Ronald dela Rosa? Bakit hindi sila magalit sa namili, at hindi sa pinili? O nagagalit lang sila sa pagiging mahigpit ni Albayalde? Na hindi dapat ganyan ang pagtrato sa pulis, dahil ang paniniwala ay angat sa lahat, pati sa sibilyan? Kung ganyan ang nangyayari, may ginagawang wasto si Albayalde sa PNP na dapat ipagpatuloy.
Nasa 85 pulis naman ang ipinasisibak ng PNP-Internal Affairs Service (PNP-IAS), dahil sa iba’t ibang krimen. Pero banggitin ko na may higit 4,000 kaso ang iniimbestigahan ng PNP-IAS. Sa imbestigasyon ng PNP-IAS, napatunayan na may ilang operasyon na hindi sang-ayon sa layunin ng PNP. Kasama sa mga pinasisibak ang tatlong pulis na sangkot sa pagkidnap at pagpatay kay Jee Ick Joo, na hanggang ngayon ay hindi pa natatapos ang kaso. Suspendido naman si Supt. Marvin Marcos habang binawasan ng ranggo ang kanyang tauhan.
Wala pang binanggit hinggil sa mga pulis na sangkot sa pagpatay kina Kian delos Santos at Carl Arnaiz. Siguro naman suspendido sila, habang may kaso laban sa kanila. Sana nga ay purgahin nina Albayalde at ng PNP-IAS ang organisasyon, para tulad ng ipinangako ni DOJ Sec. Guevarra, maibabalik ang dignidad, at respeto sa kani-kanilang organisasyon.