BAWAT isang institusyon, grupo o organisasyon may kanya-kanyang sistema at patakarang sinusunod. Pribado man o sa ilalim ng gobyerno kailangang sumunod sa mga batas at alituntunin na ito.
Pero tila may ilan na sadyang matitigas ang ulo at pinaglihi yata sa semento. Hindi marunong makinig sa utos ng mas nakakataas at sinusunod lang kung ano ang kanilang gusto. ‘Yan ‘yung mga taong hindi karapat-dapat sa puwesto!
Tulad na lamang ng inireklamong mayor ng Masinloc, Zambales na si Arsenia Lim. Proyekto niya kasing dumpsite, imbes na makatulong sa iba malaking perwisyo ang dala! Pati sa kalapit-bayan umabot na ang problema.
Kung dati sariwang hangin ang nalalanghap ng mga residente, ngayon amoy patay na isda at peste! Pati ilog na pangunahing pinagkakabuhayan ng mga pobre, nasalaula.
Nakapagtataka rito, may closure order na mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 3 ang perwisyong dumpsite pero si Mayor sige lang sa masangsang niyang kalakaran. Teka, may mali yata?
Kung si Governor nahihilot mo dahil parehas kayo ng partido, huwag mong itulad ang Kilos Pronto! Tingnan ko lang kundi lumambot ang matigas mong bumbunan sa DENR.
Agad na umaksyon si DENR Usec. Jonas Leones sa isyung ito. Nakita niyang solusyon sa problema, ora mismong pagpapasara!
Pagdating sa lugar, tone-toneladang basura ang tumambad sa DENR at Kilos Pronto. Ilang tambak ng basura, ibinaon pa ng mga kumag sa lupa. Akala siguro ng mga loko-loko, hindi sila mabibisto. Hoy, umaalingasaw ang baho ng pagkatao n’yo! Kaya kahit saan n’yo itago, sisingaw at sisingaw ‘yan!
Tapos na sana ang usapan pero itong asawa ni Mayor, nagtapang-tapangan! Sumugod sa dumpsite at pati tauhan ng DENR, sinigaw-sigawan. Nakipagsagutan sa nagrereklamo at ayaw magpatalo. Pero sa huli, hindi umubra ang kaangasan nitong asawa ni Mayora. Tumiklop din matapos makita ang aming camera.
Paalalang kaibigan lang, lalo na kayong mga nasa lokal na pamahalaan. Hindi uubra sa Kilos Pronto ang mga naghari-harian at nagsiga-sigaan.
Kahit pagbali-baliktarin man ang mundo, mas mataas pa rin ang nasyunal sa lokal na pamahalaan. Kaya matuto kayong sumunod at huwag nang magtangka pang manlaban dahil siguradong mayroon kayong kalalagayan.