Buong kapuluan isara sa turismo?

TINAMAAN ng kidlat ang paraiso ng Boracay. Dahil sa batikos ng Presidente at media sa pagwasak ng kapali­giran doon, sirang-sira ang reputasyon ng isla sa daigdig ng turismo. Sino ba namang manlalakbay ang tutungo sa mga hotel, restoran, at mall na walang poso negro, madumi ang kusina, mabantot ang hangin, tinayuan na ng kongkretong buhanginan, at lumulutang ang kalat sa paligid ng dagat?

Pagkaganid sa kita ang sumira sa Boracay. Nakaka­hiya, nakakadiri na, sa 578 negosyong ininspeksiyon ng Department of Environment and Natural Resources, 383 lang ang nakakabit sa sewerage system. Ang iba’y direktang nagbubulwak ng dumi sa dagat. Kaya may green slime na lumulutang-lutang o kaya’y kumakapit sa mala-pulbos na puting buhangin. Mataas ang lebel ng coliform direkta mula sa mga kubeta.

Dapat lang multahan ang mga pabayang negosyo. Isara at gibain ang mga istruktura sa mga bawal na lugar: 30 metro mula pampang, sa bakawan, sa slope na mahigit 25 degrees, at mga walang building permits. Dapat ding kasuhan at tanggalin ang mga lokal na opis­yales na nagpabaya sa pang-abuso sa kalikasan nitong nakaraang tatlong dekada.

Kung sa palagay ng gobyerno ay makakabuti ang pagsara ng Boracay nang anim hanggang 12 buwan, e di ituloy nila. Pero mali na ituro nila ang mga turista sa iba pang island resorts sa Pilipinas. Kasi, sa mga pook na ‘yon -- mula tuktok ng Luzon hanggang dulo ng Tawi-Tawi -- gan’un din ang sitwasyon. Bulok, kapos, o wala ring sewerage. Hindi rin sinanay ang mga tauhan sa malinis na paghawak sa pagkain. May daga, ipis, at pusa sa mga kusina. Iniigib pa ang tubig sa poso imbis na kumabit sa supply. Mabaho at mausok din ang ha­ngin. Makati ang tubig-dagat dahil sa basura. Kung hindi maisasara ang buong kapuluan sa turismo, ipatupad na lang ang mga batas sa kalinisan at korapsiyon.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments