Ang lindol ay mahirap na ating malaman
kung saan tatama at kung kailan;
Ito ay hiwagang dulot ng kalikasan
na tanging ang Diyos ang nakaaalam!
Tanging magagawa ng tao sa mundo
paghandaan natin ang pagtama nito;
mayama’t mahirap ay kumilos tayo
upang di mabigla sa alin mang dako!
Inang kalikasan ay di mamimili;
kung saan lilindol anumang sandali
may fault o wala saan man magawi;
tiyak na yayanig matagal -- madali!
Malakas na yanig -- malaking pinsala
ibubuga nito sa dagat at lupa;
palasyong tahanan o bahay na dampa
walang sabi-sabi ito’y magigiba!
At sa dagat naman higanteng “tsunami”
lilikhain nito sa maraming parte;
ang tubig ng dagat na ubod ng laki
mga tao’t hayop hindi malilibre!
Kaya ang mabuti tayo ay magdasal
sa Diyos na dakilang sa ati’y lumalang;
huwag nang lumindol kahit na saanman
at tayo’y maligtas sa kapahamakan!