UMAMIN ang may-ari ng suspendidong Dimple Star Transport na nabili lang niya sa junkshop ang bus. Pawang chop-chop umano ang mga parts nito. Pagkaraang mabuo ang bus, nilinis nila at saka pininturahan at mukha nang bago. Hindi na kababakasan na ang bus ay mula sa junkshop. Ayon sa may-ari ng Dimple Star na si Hilbert Napat, noong 2009 nila nabili ang bus at ipinasada na nila sa probinsiya makaraang mabigyan ng road worthy certificate ng Land Transportation Office (LTO) at naisyuhan ng plate number TYU-708. Biyaheng Sablayan-Maynila ang bus. Gayunman, sinisi ni Napat ang talsik ng tubig-dagat sa bus habang sakay ito ng Ro-Ro. Humarap si Napat sa pagdinig na ipinatawag ng LTFRB kaugnay sa malagim na aksidente na ikinamatay ng 19 katao noong Marso 20. Nahulog at bumaliktad ang bus sa isang ginagawang tulay sa Sablayan. Ayon sa report, nawalan ito ng preno. Ayon sa mga survivors, mabilis ang takbo ng bus sa kurbadang portion nang ginagawang tulay. Kasamang namatay ang driver at konduktor.
Marami pang bus na junk ang yumayaot sa Metro at sa mga probinsiya. Hindi lamang Dimple Star ang gumagawa nito. Mapapansin na ang mga bumibiyaheng bus sa EDSA ay pawang tagpi-tagpi at tila malalaglag na ang makina sa likuran. Sa kabila nito, ipinapasada pa rin at inilalagay sa panganib ang buhay ng mga pasahero.
Nakapagtataka namang inirehistro ng LTO ang Dimple Star at inisyuhan pa ng road worthy certicate. Sabi sa report, mahigit nang 30 taon ang Dimple Bus na naaksidente. Laspag na laspag ang preno at pawang kalbo na ang mga gulong.
Sisihin ang LTO kung bakit hinayaan pang mairehistro ang Dimple Star gayung uugud-ugod na ito at dapat maging tirahan na lang ng mga talaba. Kung hindi maghihigpit ang LTO at ganundin ang LTFRB, marami pang bus na biyaheng probinsiya ang maaksidente at marami pang pasahero ang mamamatay.