BILYONG dolyar na halaga ng pamumuhunan at financial assistance ang ibinunga umano ng pagdalaw ni Presidente Duterte sa China. Halatang seryoso ang Pangulo sa pagpapalit ng kaalyado, mula sa Amerika, tungo sa dating itinuturing nating kalaban – ang China.
Ibang klaseng diplomasya ang ipinakikita ng Pangulo at nagtataka kahit ang mga diplomatic experts. Ang ipinipinta ng China sa diplomatic community ay larawan ng isang “bully” na puwedeng mangamkam ng territorial waters na may pag-aangkin ang ibang bansa. Kahit ang pagkastigo ng United Nations at iba pang malalaking bansa ay hindi iniinda ng China. Walang takot.
Tayo mismo ay hindi makakibo sa pagtatayo ng mga artipisyal na kapuluan nito sa karagatang nasa ilalim ng ating hurisdiksyon. Kaya hindi nakapagtataka kung magbuhos ng katakutakot na ayuda ang China sa Pilipinas dahil sa pamamagitan nito, lalu tayong matatameme na lang kapag isinulong ng China ang expansionism nito sukdang teritoryo na natin ang sinasaklaw.
Ayon sa Palasyo, nangako ang Chinese government na magkakaloob sa Pilipinas ng P4.1 billion bilang economic assistance. Ito ay bukod pa sa mga investment ventures na naabot ng delegasyon ng ating bansa sa mga Chinese businessmen.
Tila abot-langit pa ang pasasalamat ng Pangulo sa Pangulo ng China sa mga tulong na ibinigay ng naturang bansa sa Pilipinas. “I love President Xi Jinping” sabi pa ni Duterte.
Nagdonasyon pa ang China ng 3,000 rifles to the Philippine military at nangakong tutulong sa rehabilitasyon ng Marawi na kamakailan ay sinalanta ng digmaan laban sa mga terroristang Maute-ISIS.
Nagbabago talaga ang geopolitical configuration ng daigdig habang nakikita ng buong mundo kung paano magising ang isang dating natutulog na dragon, ang China.