(Huling bahagi)
NAKARAAN pa ang dalawang buwan, lumayas na talaga si Tanya at nakitira kay Ellen na bestfriend niya. Pagkatapos ay pinatira raw siya ni Ellen sa kapatid nitong babae na si Linda at sinama niya si Tanya sa kaibigang pulis, si SPO2 Sevilla na nagdala naman sa kanya sa doktor. Sa pagsusuri ay napag-alaman na hindi na siya birhen kaya dinala siya sa opisina ng bara-ngay kapitan at sa istasyon ng pulis kung saan siya nagsampa ng reklamo ng rape. Pansamantala siyang tumira sa DSWD habang pinaghahanap ng ama.
Sa paglilitis, sinalaysay ni Tanya ang masaklap na sinapit niya sa kamay ng ama, ang sakit na kanyang dinanas at ang naramdaman niya dahil sa nangyaring pagyurak sa kanyang pagkababae. Pati si Ellen, si Linda, ang municipal social worker at ang medico legal ay tumestigo para sa kanya.
Itinanggi ni Tonyo na ginahasa niya ang anak. Noon daw gabi na umanoy ginahasa niya si Tanya, mga alas nuebe pa lang, natutulog na siya sa salas kasama ng misis at dalawang anak na lalaki. Alas kuwatro na raw siya ng umaga nagising. Todo tanggi rin siya sa ginawang paglamas sa katawan ng anak o sa paninilip dito. Ang inamin lang niya ay nasasaktan daw niya ang anak kapag ayaw nitong pumasok. Kumampi pa at nagbigay ng sariling testimonya ang ina niyang si Rita at ang dalawang kapatid na babae.
Mas pinaniwalaan ng korte ang simple, malinaw at walang pag-aalinla-ngan na salaysay ng mga testigo ng prosekusyon. Hinatulan si Tonyo ng death penalty dahil sa ginawa niyang pag-rape sa menor de edad na anak na labag sa Article 335 ng Revised Penal Code. Pinagbabayad din siya ng P50,000 pati ang gastos sa kaso bilang danyos kay Tanya. Noong awtomatikong iakyat ang kaso sa Supreme Court (SC) ay pareho ang naging desisyon ng SC. Maliliit na bagay lang daw ang mga pagkakamali ni Tanya sa kanyang testimonya lalo sa mga hindi niya matandaan at naiintindihan ito dahil nga sa tindi ng trauma na kanyang dinanas.
Iyon nga lang, nakalusot sa death penalty si Tonyo. Ayon sa SC, para mapatawan ng parusang kamatayan, kailangang malinaw na ipruweba ang pagiging menor de edad ng bata at ang relasyon ng rapist bilang isang kamag-anak para ituring na “special aggravating circumstance” na makapagpapabigat sa kaso ng akusado. Dapat daw kasi ay nakasulat ito sa paratang dahil maipagkakait sa akusado ang karapatang malaman ang tunay na sakdal sa kanya at ng karapatan niya sa due process. Sa kasong ito, hindi napatunayan ang tunay na edad ni Tanya nang mangyari ang rape kaya ang hatol kay Tonyo ay ibinaba na lang sa reclusion perpetua o halos habambuhay na pagkabilanggo pati pinagbabayad din siya ng P50,000 civil indemnity, P50,000 moral damages at P25,000 exemplary damages (People vs. Rodriguez, G.R. 138987, February 6, 2002).