KAHAPON ginunita ang ikaapat na taon nang pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa Eastern Visayas at marami pang probinsiya sa Kabisayaan. Nagkaroon ng mga program at fun run para sa pag-alala sa hindi makakalimutang pangyayari noong Nob. 8, 2013 na tila katapusan na ng mundo. Dakong alas singko ng umaga nang humagupit ang bagyo at walang binayo ang Kabisayaan. Dahil sa lakas ng bagyo na umabot sa mahigit 200 kph, itinulak ang alon at nilamon ang mga bayan sa baybaying dagat. Maski ang mga barkong nakahimpil sa laot ay tinangay at isinampa sa dalampasigan. Hanggang ngayon, nasa dalampasigan pa ang mga barko at nagsilbi na lamang alaala ng mabangis na bagyo. Mahigit 6,000 katao ang namatay at marami pang nawawala na hanggang ngayon, hindi na natagpuan. Wasak na wasak ang mga bahay at gusali na hindi na maaa-ring tirahan. Pagkaraan nang delubyo, natambad ang maraming bangkay. May mga nakasabit pa sa mga kahoy. May mga halos takasan ng bait dahil sa pangyayari. Ganunman, may mga sinisisi ang sarili dahil hindi sila nakinig sa mga nagbabala na dapat lumikas na dahil papalapit na ang bagyo.
Nangyari na ang lahat. Apat na taon na ang lumipas. Subalit ang nagpapasakit sa kalooban ng mga kawawang nabiktima ng Yolanda ay wala pa silang maayos na tirahan. Sa kabila na apat na ang lumipas, marami pa rin ang nakatira sa temporary shelters. May mga nagawa nang bahay ang National Housing Authority (NHA) subalit hindi pa sapat sa mahigit 200,000 residente. Gayung apat na taon na ang nakalipas, 78,000 na bahay pa lamang umano ang nagagawang bahay at 26,000 pa lamang nakakalipat. Ang masaklap, ang mga nakalipat sa mga bahay ay nirereklamo naman na walang tubig, kuryente, sira ang kisame at mga bintana. Ang pader na nagsisilbing dibisyon ay walang laman at tila ampaw na maaaring magiba kapag yumanig ang lupa. Substandard ang mga materyales na ginamit sa mga bahay.
Ayon naman sa NHA, ang local government units (LGUs) ang dapat sisihin sa mabagal na rehabilitasyon ng mga biktima ng Yolanda. Nagtuturuan na sila ngayon at walang ibang naiipit kundi ang mga kawawang biktima.
Sa kabila na maraming nagbigay ng donasyon --- umabot sa bilyong piso – mabagal ang rehabilitasyon. Imbestigahan ang NHA at LGUs kung bakit nagkaganito. Wakasan ang kalbaryo ng Yolanda victims.