SA DAMI NG PATAYAN ngayon sa bansa at sa mga kasong kinakaharap ng ating kapulisan malaking porsiyento na ng mga Pilipino ang hindi na gaanong nagtitiwala sa kanila.
Nagsagawa ng survey ang Social Weather Station (SWS) para malaman kung ilan pa ang bilang ng mga naniniwala sa pulis na nagsasabing ang mga napapatay nila sa engkwentro ay ang mga suspek na nanlaban.
Halos kalahati ng kanilang mga tinanong ay nagsabing hindi sila naniniwala sa kwento ng mga pulis na nanlaban ang mga suspek kaya nauwi sa kanilang pagkamatay.
May mga nagsabi din na ang mga naging biktima ng kampanya laban sa droga at napatay ay hindi mga drug pusher.
Maingay na ang Pilipinas dahil kabi-kabilang mga organisasyon, ahensya at grupo ang kumokondena sa nangyayaring patayan sa bansa. Ilang beses nang sinabi ni Presidente Rodrigo Duterte na hindi niya iniutos na patayin ang mga suspek.
Malaki ang problema ng Pilipinas sa droga at si Presidente Duterte lang yata ang Presidenteng nagkaroon ng lakas ng loob na pagtuunan ito ng pansin kahit pa binabatikos siya ng maraming tao.
Kung may ginawa man ang mga nakaraang Presidente para matigil ang transaksyon ng droga sa bansa ay hindi kasing ingay ng kasalukuyang administrasyon.
Bukas sa publiko at ipinapaalam ng Presidente ang kanyang mga hakbang kaya maraming tao din ang nagpapahayag ng kani-kanilang opinyon.
Maging sa ibang bansa ay naibabalita din ang nangyayaring patayan sa bansa. Lahat ng ito ay sinisisi sa ating Presidente. Kung hindi daw dahil sa kanyang kampanya na sugpuin ang iligal na droga ay hindi magaganap ang pagkakapatay sa mga ito.
Pag-upo pa lang ng Presidente ay naglabas na siya ng listahan ng mga opisyal, pulis at politiko na sangkot sa bentahan ng droga sa bansa.
Sinibak sa pwesto ang karamihan sa kanila nang sa ganun ay matigil na sa kanilang masamang gawain. Ganito siya kaseryoso na matigil na ang salot sa lipunan.
Hindi natitigil ang paglaganap ng droga sa bansa ay dahil sa ilang mga tao na ang iniisip ay makakamkam ng malaking salapi at walang pakialam kung sa masama man ito nanggaling.
Magsimula dapat ang pagbabago sa bawat indibidwal at kapag ang isang tao ay pursigido na talikuran ang iligal na droga maiiwasan nila ito kahit na marami pa ang mag-udyok sa kanila.
Maraming marangal na trabaho diyan na pwedeng pagkakitaan at hindi lang ang pagbebenta ng droga.
Dapat linisin din ang mga barangay at tanggalin ang mga nasa posisyon na protektor ng ilang tulak.
Ang administrasyong Duterte ay nagpahayag na nung nakaraan na bibigyan nila ng listahan ang Simbahan nang sa ganun ay makausap nila ang mga ito na magbagong buhay.
Isa lang ito sa naiisip na paraan ng Presidente para mabawasan ang bilang ng mga namamatay sa kampanya laban sa iligal na droga.
Sari-saring reklamo din ang kinakaharap ng mga pulis na nagsasagawa ng operasyon dahil ang mga testimonya ng mga nahuli ay sinasabing tinaniman lamang sila ng mga ebidensya at sadyang wala silang kinalaman sa iligal na droga.
Sa sinasabi ng mga pulis na ang suspek ang unang nagpaputok kaya wala silang mapamimilian kundi lumaban ay bumubunggo dito ang pahayag ng mga saksi na walang ganung nangyari.
Iba-iba ang kanilang bersyon. May nagmakaawa daw na suspek at sumuko na lang pero hindi nagpatinag ang mga pulis at umano’y pinaputukan pa din ito.
Naging gatong pa sa galit ng publiko ang paglabas ng mga ebidensya partikular na ang isang CCTV footage kung saan walang kalaban-laban ang isang binatilyong akbay-akbay ng dalawang baguhang pulis at ang sumunod na balita ay napatay ito dahil nanlaban umano.
Brutal ang pagkakapatay sa mga kabataan na hanggang ngayon ay iniimbestigahan pa para mapanagot ang mga may sala.
Siguro ay may ilan naman talagang nakipagbarilan dahil sa pag-asang makatakas sa mga pulis at hindi mahuli at makulong.
Lahat ng resulta ng mga kilos ng ating kapulisan ay sa Presidente ang turo bandang huli.
Hindi ko rin ubos maisip na ang ating Presidente Rodrigo Duterte ay iuutos na pumatay ng walang habas. Ang sinasabi niya ‘shoot to kill’ kapag ang buhay niyo ay nasa panganib at nanlaban ang suspek.
Meron ilang masasamang elemento na pasok sa PNP na may mga bata-bata, mga courier na menor de edad dahil kung mahuli nga naman ay hindi makukulong at ang iba naman ay pinagtutulak.
Dito ngayon pumapasok ang problema para mabura ang kanilang pagkasangkot sa iligal na droga.
Itong mga menor de edad na ito ay nililigpit dahil baka bandang huli sila ay kumanta at ang testimonya ng menor de edad ay binibiyan ng timbang at kinakatigan ng korte.
Ito marahil ang dahilan kaya’t dumarami ang patayan. Ito ang dapat trabahuin ni PNP General Ronald Bato Dela Rosa at hindi yung iyak nang iyak siya sa TV kung saan maraming nanonood kabilang na ang buong pwersa ng sandatahang lakas ng Pilipinas.
Ang maliit na blang ng mga pulis na ito ay siyang sumasabutahe sa kampanya ni Presidente Duterte kontra droga.
Minsan nang sinuspinde ang operasyon ng mga pulis laban sa iligal na droga para malinis ang mga hanay ng pulis na umaabuso sa kapangyarihan at yung mga sangkot sa iligal na droga.
Mas maganda din sigurong salaing mabuti ulit ang mga ito nang sa ganun ay tuluyan na silang matanggal sa serbisyo at ang matira na lamang ay ang mga pulis na handang sumunod sa kanilang tungkulin.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.