PANAHON na ng specialization sa propesyon. Hindi lang basta abogado ngayon; may espesyalista na sa corporate at criminal law; sa paglilitis ng kaso at paglalakad ng papeles; at sa mga larangang international trade, telecommunications, o cyber-marketing. Hindi lang basta enhinyero; may mga linyang civil, mechanical, electrical, electronics, computer, agriculture, atbp. Hindi lang basta doktor; may espesyalista sa baga, dugo, buto; may nagsasanay sa cancer, diabetes, o sakit ng matatanda, at sa pampubliko, epidemya, o sa pang tropical na lugar. May biruan nga sa medisina na darating ang panahong may doktor na sa kaliwa na bukod pa sa kanang mata.
Kaya raw kailangan ng specialization dahil parami nang parami ang dapat matutunan tungkol sa paliit nang paliit na paksa. Kaya may mga espesyalista na ring propesor at paaralan.
Nu’ng sinaunang panahon buong tribu ang nagtuturo ng “propesyon” sa mga kabataan. Sa gabi pagkatapos ng hapunan, nagtitipon ang tribu sa paligid ng bonfire. Kung sino man ang naatasan o ginaganahan ay magkukuwento ng kanyang gawain. Idedetalye ang kanyang paghuhuli ng baboy damo, halimbawa, mula sa pag-amoy dito, pagbuntot sa dinaanan, pag-asinta at pagpana, pagkatay, at pag-uwi sa tribu. Kadalasan hindi lang isa kundi marami ang naghahalinhinang magkuwento; kasi nga naman, kadalasan din ay grupo-grupo ang paghahanapbuhay, tulad ng pagtatanim o pangingisda. Siyempre, ang pagkukuwento ay may katatawanan at katatakutan, hirap, pagod, at sa huli’y tagumpay. Nai-inspira ang kabataan na tularan ang mga “propesyonal”. Tinutularan ang kanilang ehemplo.
Mula sa pagsalin-salin ng kaalaman at pagkuwento ng karanasan, nagkaroon ng mga specializations at sub-specializations.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).