KAPWA nagmula sa lahing Malay ang modernong Pilipinas at Vietnam. Ito rin ang lahi ng ngayo’y Indonesia, Malaysia, Brunei, Timor, atbp. Pangahas na mandaragat sila. Nu’ng 2000 BC tinawid nila ang Indian Ocean sa mga bangkang tig-300 mandirigma, at sinakop ang isla ng Madagascar sa Africa. Nahati-hati ang Malay Empire ng digmaan ng mga sinaunang datu, at sumunod ang pagsakop ng France sa Vietnam, Britain sa Borneo, Netherlands sa Indonesia, Portugal sa Timor, at Spain sa Pilipinas. Naghimagsik sila kontra kolonyalismo, at lumaya. Bago Borneo, Cham region sa timog Vietnam ang capital ng Malay Empire.
Nitong modernong taon yinuyurakan ng China ang karagatan ng Vietnam at Pilipinas. Hindi nagpapatinag ang munting Vietnam. Pinalakas niya ang navy at air force: submarines at fighters. Tinahak niya ang independent foreign policy. Patuloy na kinaibigan ang China sa mga kasunduang pangisdaan at tubig-ilog (Mekong). Nagpatulong sa India magmina ng langis sa kanyang exclusive economic zone (EEZ) na inaangkin ng China. Pinaparada ang US warships sa Cam Ranh Bay (katapat sa kanluran ng Subic Bay ng Pilipinas). Kamakailan binisita ni Prime Minister Nguyen Xuan Phuc si US President Donald Trump para mag-alok ng bilyon-bilyong dolyar na kalakalan, at bumili ng $15-bilyong armas.
Nu’ng Mayo 2014 tinangka ng Chinese battleships na magtanim ng higanteng offshore oil rig sa EEZ ng Vietnam. Pinagbabangga ito ng maliliit na bangkang Vietnamese, at pito sa huli ang lumubog. Napahiya ang China at, makalipas ang tatlong buwan, inalis ang oil rig.
Tularan sana ng Pilipinas ang Vietnam, ani dating national security adviser Roilo Golez. Igiit ang karapatan natin sa EEZ. Palakasin ang militar. Kaibiganin lahat habang nakikipag-kalakalan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).