SA lahat ng mga pamahalaang lokal sa Pilipinas, nangunguna ang mga mayayamang lungsod sa paghatid ng serbisyo sa mamamayan. Madali itong paniwalaan dahil malaki rin ang kanilang kinikita mula sa real property tax at business tax. Ikaw na ang maging highly urbanized city - siyempre, kung nasaan ang mga tao, naroon ang negosyo. Ganundin kung baliktarin. Susunod ang tao kung nasaan ang pagkakataong hatid ng negosyo.
Subalit hindi nangangahulugan na ang mayaman na lungsod ay ilalaan ang lahat ng kanilang kita sa paghatid ng serbisyo, lalo na ang serbisyong pantao. Sa larangang ito, ang lungsod ng Maynila ay hindi mauunahan ng iba. Tanging ang Maynila ang nakapagtatag ng anim na lokal na ospital at dalawang higanteng pamantasan para sa kanyang mamamayan.
Dati-rati ay kinilala ang Kamaynilaan bilang sentro ng health services dahil sa dami ng prestihiyosong ospital. Ito rin ang sentro ng edukasyon dala ng pag-usbong ng mga unibersidad. Subalit, dahil panay pribado ang mga institusyong ito, hindi naman ito abot kaya ng mga residente ng Maynila. Host nga sila, hindi naman magamit o mabiyayaan.
Dahil dito, nanguna ang Maynila sa pagtatag ng free hospitals at free universities para sa Manilenyo. Hambing sa ibang mga lokal na pamahalaan, iilan lang ang tulad ng Maynila na napakalaki ng budget na inilaan para sa health services at edukasyon ng kanyang mamamayan.
Sa ilalim ng pamunuan ni President Mayor Joseph Erap Estrada, patuloy na naibibigay ang benepisyong ito. At batay sa mga evaluation ng residente at mga resulta ng mga licensure exams, mataas ang kalidad ng serbisyo at ng edukasyon kahit pa libre ang mga ito.
Hindi rin nasasakripisyo ang ibang obligasyon ng pamamahala dahil kinikilala naman lagi ang Maynila sa pagiging top competitive city. Maganda itong halimbawa para sa lahat ng pamahalaang lokal.