EDITORYAL - Sayang!

KUNG sino pa ‘yung taong may tapang at lakas ng loob para labanan ang iresponsableng mining companies, ito pa ang ni-reject ng mga miyembro ng Commission on Appointment (CA). Dito nakita na may pinuprotektahan ang mga pulitikong miyembro ng CA para ganap na maalis bilang Environment Secretary si Gina Lopez. Kailangang gawin iyon para makabayad sa itinulong ng mining companies sa kanilang kandidatura. Labing-anim na senador ang bumoto para maalis si Lopez at walo ang pumanig sa kanya. Mapait na sinabi ni Lopez makaraang ma-reject, ang interes umano sa negosyo ang nangibabaw sa pagkakataong ito.

Marami pang plano si Lopez para sa kapakanan ng mamamayan sapagkat alam niyang karapatan ng bawat Pilipino sa isang malinis at malusog na kapaligiran. Pangarap niyang mailigtas ang mga ilog na unti-unting pinapatay ng mga iresponsableng minahan sa bansa. Maraming water shed ang winasak para lamang makapagmina. Marami rin ang nagkasakit at nawalan ng pinagkakakitaan dahil sa iresponsableng pagmimina. Halimbawa na lamang dito ay ang nangyari sa Marinduque na pininsala ng Marcopper­ Mining Co. maraming taon na ang nakararaan. Namatay ang Boac River dahil sa latak na tinambak ng minahan. Maraming nagkasakit sa mga residente at maraming nawalan ng ikabubuhay. Kamakailan, dinalaw ni Lopez ang mga residenteng nabiktima ng salaulang mining company. Makaraang dumalaw sa Marinduque, sa Palawan naman nagtungo si Lopez at binisita rin ang isa pang nasirang lugar dahil sa open pit mining.

Mula nang i-appoint ni Pres. Rodrigo Duterte si Lopez sa DENR, umabot na sa 22 mining compa­nies ang kanyang naipasara. Umabot naman 12 con­tracts sa pagmimina ang kanyang kinansela at kung hindi ni-reject ng CA, balak niyang ipatigil ang open pit mining.

Sayang at hindi na maipagpapatuloy ni Lopez ang adbokasiya na mapangalagaan ang kapaligiran­ sa mga mapang-abusong mining companies. Sayang talaga na kung sino ang may pagmamahal sa kalikasan ay siya ang pinagkakaisahan. Sana, ang papalit kay Lopez ay mayroon ding lakas ng loob na lumaban para sa kapakanan ng kapaligiran.

Show comments