ANG naging matunog na balita bago nagsimula ang mahabang bakasyon ay ang pagbawi na ni Pres. Rodrigo Duterte sa kanyang plano na magtungo sa Kalayaan Island sa Araw ng Kalayaan at itaas ang bandila ng Pilipinas, para ipahiwatig ang ating pag-aangkin sa nasabing isla. Kasabay ng pahayag na ito ang pag-utos sa AFP na okupahin ang mga islang hawak na natin. Nilinaw ng Palasyo na ang utos umano ni Duterte ay pagandahin ang pasilidad sa mga isla.
Pero sa kanyang talumpati sa Middle East, binawi niya ang plano matapos kausapin umano ang China. Hindi binanggit kung sino ang nakausap mula China. Basta kinausap daw siya ng China. Mas mahalaga raw ang pagkakaibigan ngayon ng dalawang bansa, kaya hindi na itutuloy. Ito ang pangalawang beses na hindi tinupad ni Duterte ang kanyang pahayag hinggil sa pag-aangkin ng isla sa South China Sea. Alam na ng lahat ang kanyang “jet ski” na pahayag noong kampanya.
Pero kailangang mabanggit na ang Kalayaan island ay tinitirhan na ng higit 200 mamamayan ng Pilipinas. Ang Kalayaan island ay bahagi ng munisipalidad ng Kalayaan, Palawan. Sa madaling salita, may mga opisyal ng gobyerno roon, at sigurado, may bandila ng Pilipinas na lumilipad. May mga sundalo rin sa nasabing isla. Ang ayaw ng China ay gawing “opisyal” ang pag-aangkin ng Kalayaan, sa pamamagitan ng pagpunta ng pinakamataas na opisyal ng bansa, dahil magmumukhang mahina na ang kanilang pag-aangkin sa isla. Tandaan na ang China ay inaangkin ang mga isla sa South China Sea, kahit sino pang bansa ang may tauhan o sundalo nang nakadestino.
Napakaganda sana ng simbolo kung natuloy ang plano ni Duterte. Araw ng Kalayaan ay nasa Kalayaan Island para itaas ang bandila. Pero naging malinaw kung sino ang masusunod ngayon sa karagatan. Kapag sila ang naglagay ng kagamitang militar at sandata sa mga isla, walang makapagrereklamo. Tayo, bandila lang, isyu na.