Mga ibon sila na lipad nang lipad
At tuwing umaga ay siyap nang siyap
Habang umaawit ay palipat-lipat
Sa bubong ng bahay na aming katapat
Twit, twit, twit ang kanilang awit
Pasayaw-sayaw pa at lilipad ulit
Nang aking pagmasda’y mga ibong pipit
Ang mga lalaki’y sa bibig may bitbit
Mga bitbit nila’y mga tuyong dahon
Sa aming bintana na sira na ngayon
Iba’t ibang sulok sila’y naroroon
Gumagawa ng pugad sa halos maghapon
Ang mga babae’y siyap din nang siyap
At ang awit nila higit na malakas
Ang tangay sa bibig pagkain ng anak
Bilang paghahanda sa ulang papatak
Malakas na ulan ay hindi dumating
Kaya nang umaga sila’y masaya rin
Naghalo ang twit, twit, na mga awitin
At saka ang tsip, tsip, umalis dumating!