Wala silang alam

Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala silang alam na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China hinggil sa pasusuri at pagsisiyasat sa Benham Rise. Ito ay matapos magpahayag ang Palasyo na alam daw ng DFA at Department of National Defense (DND) na nasa Benham Rise ang mga barko ng China dahil may kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa. Taliwas din ito sa pangamba ni DND Sec. Delfin Lorenzana tung­kol sa mga barko ng China sa lugar. Bakit siya manga­ngamba kung alam niyang may kasunduan naman ang dalawang bansa? Hindi nga siya naniniwala na inosenteng paglalayag lang ang ginagawa ng mga barko ng China. Paglalayag ba ang manatili sa isang lugar ng isang buwan?

Marami nga ang nagsasabi na mukhang nalito si President Rodrigo Duterte. Baka ang pagkakaalam ni Duterte ay nasa South China Sea o West Philippine Sea rin ang Benham Rise na tila pinaubaya na nga sa China. Sa mga pahayag ng Palasyo, makikita ang kalituhan na rin nila sa isyu, at ipinagtatanggol na lang ang mga pahayag ng Presidente. Pero hindi ako magtataka kung maglabas na rin ng pahayag ang DFA at DND na tama ang sinabi ni Duterte at may kasunduan nga. Mahirap na galitin ang Presidente.

Ayaw nga ni Duterte na palakihin ang isyu. Para sa kanya, puwedeng gawin ng China ang kahit anong gusto nila sa karagatan, basta ipatupad ang ipinangakong “tulong at pagmamahal”. May balita na magtatayo na raw ng istruktura ang China sa Panatag Shoal. Environmental monitoring station daw ang itatayo. Asahan naman natin na hindi ito malaking isyu sa administrasyong Duterte. Ang Presidente mismo ang madalas magsabi na hindi naman kayang harapin ng bansa ang China sa mga isyu ng soberenya at teritoryo, kaya huwag nang manggulo at palakihin, at maayos na ang sitwasyon ng dalawang bansa. Kung ganun, wala na ngang maangkin ang Pilipinas sa South China Sea. Hindi magtatagal ay pag-iinitan na rin ng China ang BRP Sierra Madre, kung saan may Philippine Marines na nagbabantay ng Ayungin Shoal. At huwag nating kalimutan ang Pag-asa Island, kung saan may mga mamamayang Pilipino na nakatira roon. Hindi na nga mapaayos ang paliparan doon at baka hindi magustuhan ng China.

 

Show comments