PARA sa akin, isa lamang purong “ingay-pulitika” ang isinampang impeachment complaint na inihain sa Kongreso ng party-list na Magdalo.
Dapat marahil ay pinag-isipan munang mabuti ng nagsampa ng kaso ang mga reklamong iniharap laban sa Presidente para siguruhing wala itong butas na magiging dahilan upang ibasura ito.
Dalawang bagay ang dapat ikonsidera sa pagtatagumpay ng isang impeachment complaint: Dapat, ang mga reklamo ay ginawa ng Pangulo sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Presidente ng bansa at; pangalawa, dapat kakampi ng nagsasampa ng reklamo ang mayorya ng Kongreso. Pero lagi naman na ang Mababang Kapulungan ay nakakiling o kumakampi sa nanunungkulang Pangulo.
Kaya nga sa kasaysayan ng bansa, tanging ang impeachment process laban kay Presidente Estrada ang muntik magtagumpay. Sinasabi kong muntik dahil hindi nakarating sa Senado na siyang hukumang magpapataw ng parusa sa isang na-impeach. Nauwi ito sa isang people power revolution na naging dahilan upang kusang magbitiw si Estrada.
Balikan natin ang ikinakaso kay Duterte. Ang mga tinukoy na kaso ng extra-judicial killings laban sa kanya ay naganap noong siya ay Mayor pa ng Davao City na base sa mga testimonya ng mga pulis-Davao na tumestigo laban sa kanya sa pagdinig ng Senado.
Kung ang pag-uusapan naman ay ang mga pagpatay na nangyari sa Oplan Tokhang, walang matibay na ebidensya na siya nga ay tuwirang kasangkot sa mga ito. Puro bokadura lang ang sinasabing 8,000 napaslang sa Tokhang at walang dokumentong magpapatibay nito. Siguro, kung maraming kalaban sa mga Representante sa Kamara ang Pangulo baka magtagumpay pa ang impeachment. Pero nakita na natin kung papaano mambraso ang Kongreso sa pamumuno ni Alvarez. Nakita natin kung papaano na-railroad ang pagpapanumbalik ng bitay. Kahit ano pa ang sabihin, ang impeachment ay isang political exercise na tulad n eleksyon. Pinagbobotohan ito ng mga Representante at kung ang mga boboto ay pawing kaalyado ng Pangulo – no way jose.