Hindi makatwiran ang offer ni President Rodrigo Duterte sa may-ari ng cigarette company Mighty Corporation na magbayad na lang P3 bilyon sa tax case nito at kalilimutan na niya ang lahat. Ang makukuha raw na P3 bilyon sa Mighty ay ipagkakaloob naman niya sa tatlong hospital sa bansa – sa Sulu, Basilan at sa Maynila. Kailangang doblehin daw ng may-ari ng Mighty na si Alex Wongchuking ang ibabayad at amanos na sila. Si Wongchuking ay binantaan ng Presidente na ipaaaresto dahil sa pandaraya sa buwis Ayon sa report, handa raw magbayad ang Mighty ng P1.5 billion bilang settlement sa tax case.
Sinalakay noong nakaraang linggo ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga bodega ng Mighty sa Gen. Santos City at San Simon, Pampanga at nakitang ang mga sigarilyo hindi pa bayad ang buwis na nagkakahalaga ng P1.5 billion. Pero ang matinding natuklasan ng BOC at BIR ay ang mga pekeng tax stamps sa mga sigarilyo na nakumpiska sa Ports ng Cebu at Tacloban noong Martes. Tinatayang P6 milyong buwis ang natalo sa gobyerno dahil sa mga pekeng stamps. Noong nakaraang buwan, nakakumpiska rin ang BIR at BOC ng Mighty cigarettes sa Cebu na may mga pekeng stamps na ikinalugi ng pamahalaan sa halagang P2.49 million.
Maraming kasalanan ang Mighty Corporation kaya dapat lamang na kamtin nito ang karampatang parusa na nakasaad sa batas. Aminado naman sila at nakikipag-areglo na nga. Pero ang sinabi ng Presidente na magbayad na lamang ito ng P3 bilyon at quits na sila. Wala na raw aalalahanin ang Mighty. Hindi dapat ganito ang mangyari sapagkat maaaring gayahin ng iba pang kompanya ang ginawa ng Mighty na pandaraya at makikipag-areglo lang at lusot na. Masamang halimbawa kung idadaan sa usapang aregluhan ang ganitong usapin.
Kasuhan ng tax evasion ang Mighty at ganundin ng falsification para malaman nila ang bigat ng ginawa. Mayroon namang korte na dapat pagdaanan nang lahat.