IWAN na muna natin ang isyu ng suhulan, pangingikil, bayaran o kung ano pang puwedeng itawag sa naganap na P50 milyon na “inabot lang” daw ni Wally Sombero kina Al Argosino at Mike Robles. Kung inaasahan na magkakaroon ng linaw nang magpakita na si Sombero sa Senado, hindi ito nangyari. Ang nakita lang ay kung gaano kadulas magsalita si Sombero, na ayon sa kanya ay eksperto raw sa industriya ng sugalan. Ipinalabas niya na wala siyang kasalanan, at tumutulong pa nga raw sa gobyerno para mahuli ang mga iligal na sugalan sa bansa.
May bagong pahayag si PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa sa kaso ni Jee Ick-joo. Alam na raw nila kung sino ang nagsilbing “go-between” sa pagitan ng mga dumukot kay Jee at sa kanyang asawa. Ito raw ang nakipag-usap sa asawa para humingi ng pantubos. Hindi pa pinangalanan, dahil nagaganap pa ang imbestigasyon. Talagang pinakikita ng PNP na tinatrabaho ang kaso ni Jee. Siguro may kinalaman ang pangamba ng buong komunidad ng mga Koreano sa bansa, na sila ay ginagawang paboritong target ng mga kriminal, pulis man o sibilyan, baka kapwa Koreano pa nga.
Ayon kay South Korean Ambassador Kim Jae-shin, may mga 20 South Koreans ang napapatay sa buong mundo kada taon, at kalahati raw ay nagaganap sa Pilipinas, karamihan sa Pampanga. Si Jee ay dinukot mula sa kanyang tahanan sa Angeles City. Ang tatlong Koreano na dinampot, ninakawan at kinikilan ng mga pulis ay sa Pampanga rin nakatira. Hindi ba nakakahiya ang impormasyong ito? Ayon kay Kim, may mga 20,000 South Koreans sa Pampanga. May mga 90,000 Koreano sa buong bansa, at halos 1.5 milyong turistang Koreano ang dumarating taun-taon. Dapat lang ay ipakita ni Dela Rosa na wala na dapat ipangamba ang mga Koreano sa bansa, partikular sa mga masasamang pulis. Kasalukuyang pinupurga, raw, ng PNP ang kanilang hanay. Siguro, dapat palitan lahat ang pulis sa Angeles, o baka sa buong Pampanga. Nagulat ako sa mga impormasyon na ibinigay ni Amb. Kim. Hindi pa iyan alam ng PNP? O alam na pero ayaw lang ipaalam sa publiko dahil nakakahiya? Kung pinapahiya rin lang niya ang mga tiwaling pulis, lubusin na niya. At huwag siyang tumigil sa pagpapahiya lang. Kasuhan at ikulong na rin.