UUPO na sa Huwebes bilang US President si Donald Trump. Pero ngayon pa lang ay kontrobersiyal na ang mga taong gusto niyang ilagay sa Gabinete. Masin-sing binabantayan ng China ang mga magiging unang kilos ni Trump bilang Presidente. Sa kanyang kampanya, madalas banatan ang China sa isyu ng kalakalan. Ngayon naman, ang kanyang gustong ilagay bilang Secretary of State ay matigas ang posisyon laban sa China, partikular ang paglikha ng mga artipisyal na isla, pag-aangkin ng mga ito, at paglagay ng mga sandatang militar. Kung siya ang masusunod, dapat pagbawalan ang China na makapasok sa mga inilikhang isla. Naglabas ng paghamon ng nuclear war ang isang pahayagan sa China, kung makikialam daw ang US sa mga isyu sa karagatan. Mabibigat na banta, na ayon naman sa mga analyst ay pananaw lang ng nasabing pahayagan, at hindi ng Beijing. Sana nga ganun.
Nagbanta na rin ang Beijing kay Donald Trump. Ang “One China Policy” ay hindi raw puwedeng isantabi. Ito matapos kausapin ni Trump ang Presidente ng Taiwan. Nagpahayag na baka isantabi na ang nasabing patakaran, at magtatag ng relasyon sa Taiwan. Hindi kinikilala ng China na bansa ang Taiwan, kundi rebeldeng rehiyon. Kailan lang ay naglayag ang aircraft carrier at ilang barkong pandigma ng China sa karagatan sa pagitan ng mainland China at Taiwan. Rumesponde ang Taiwan at nagpalipad ng mga eroplanong pandigma, para subaybayan ang kilos ng mga barko ng China. Sa madaling salita, hindi sila nasindak sa paglayag ng barko. Hinarap pa nila.
Ang tanong, saan lalagay ang Pilipinas kung saka-ling maging mainit na ang alitan ng US at China? Saan lalagay kung magkaroon ng hindi kanais-nais na insidente? Kung inilalayo na ni Pres. Rodrigo Duterte ang bansa sa US at inilalapit naman sa China at Russia, ano ang gagawin natin? Hindi pa nga natin alam kung ano at paano kikilos si Trump hinggil sa relasyon sa bansa, kung lahat ng klaseng batikos at kritisismo ay inilabas na ni Duterte laban sa US, at mga Amerikano. Hindi lang ang China ang nagbabantay ng mga kilos ni Trump.