Ipit

MATAPOS ang ilang buwan ding pagsusuri at paniniguro, tinuloy na rin sa wakas ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang pagtaas ng buwanang pensiyon ng SSS retirees. May paunang P1,000 na matatanggap bago magtapos ang buwan na ito. Isa pang P1,000 ang maibibigay sa 2022, bago bumaba sa puwesto ang Presidente.

Noong kampanya pa lamang ay ipinangako na ito ni President Duterte. Mainit na isyu ito noon dahil sa hayagang pag-veto ni dating Pres. Noynoy Aquino nang isinabatas na sanang P2,000 pension increase. Naging madugo ang reaksyon ng lipunan. Wari nang marami’y walang puso itong pagkait sa mga matandang retirado. Makakatulong sana nang malaki ang kaunting halagang ito sa kanilang kulang na ikinabubuhay.

Ang hindi inintindi ng mga kritiko ay ang kuwes­tiyon ng pagkukunan ng dagdag pensyon. Ang pension fund kasi ng SSS ay lubhang kulang na. At kapag ito’y binakalan pa sa biglaang increase, masisimot ito ng tuluyan. Ayon sa SSS Board, obligahin ang mga kasalukuyang miyembro ng SSS na taasan ang kontribusyon. Dito manggagaling ang karagdagang pondo. Siyempre, palag naman ang mga miyembro. Hindi lang iyan, may pananaw pa na ito’y labag sa batas.

Hindi rin makatwiran na ang gobyerno mismo ang sasagot sa balanse ng pension increase. Hindi naman lahat ng Pilipino ay miyembro ng SSS – bakit sila oobligahin? Kung kaya burado rin ang option na magpataw ng buwis para pansagot sa increase. Ang hakbang na ito, kung tutuusin, ay hindi ipinagbabawal ng batas.

Isa itong usapang pagbabalanse ng interes – sa isang panig, ang abuloy para sa mga matandang retirado na lubhang kulang ang tinatanggap para sa kanilang ikabubuhay. Sa kabila, ang patuloy na kalusugan ng pondo ng SSS. Umabot pa kaya ito sa mga kasalukuyang henerasyon na walang tigil ang kontribusyon para sa sariling pensiyon sa kinabukasan?

 

Kahit pa nasa pagitan ng dalawang nag-uumpugang bato, pinili ng Presidente na ibigay ang increase. Hindi niya maatim na walang magawa sa kasalukuyan para sa mga kababayang naghihirap. 

Show comments