PANAHON anila ang naghihilom ng lahat ng sugat. Hindi lang ‘yon. Panahon din ang nagpapaabsuwento sa mga nasasakdal ng plunder at malakihang katiwalian.
Nitong nakaraang buwan inabsuwelto ng Sandiganbayan si Jocjoc Bolante sa plunder ng P780-milyong fertilizer fund nu’ng 2004. Matapos ang pitong taong paglilitis mula 2009, pinasya ng anti-graft court na wala palang prima facie evidence laban kay Bolante at walong co-accused. Kumbaga, simula’t sapul ay hindi na dapat dininig ang kaso dahil wala umanong nakakahinalang datos na binulsa o winaldas ni dating agriculture undersecretary Bolante ang naturang halaga. Ni hindi raw naipakita mula sa simula na ang halaga ay umabot sa P50 milyon, para plunder imbis na graft lamang ang sakdal.
Nauna rito, magkasunod na inabsuwelto ng Sandiganbayan sina dating Comelec chairman Benjamin Abalos at ex-president Gloria Macapagal Arroyo. Noon pang 2010 nang isakdal sila sa magkahiwalay na court divisions dahil sa $330-milyong (P17-bilyong) national broadband network-ZTE scam. Matapos ang anim na taong paglilitis, hindi umano napatunayan ng Ombudsman ang kaso.
Parehong lumipas ang matagal na panahon ng paglilitis. Parehong kontrobersiyal sila nu’ng simula. Parehong nadetalye sa congressional inquiries at investigative reports ang mga katiwalian. Pero kinalaunan ay pinagsawaan nang sundan ng madla.
Samantala, kung mabilis ang pagsasakdal ng Ombudsman at paglilitis ng Sandiganbayan, nauuwi sa conviction ang kaso. Ito ang naganap sa plunder cases nina Armed Forces comptroller-general Carlos Garcia at dating president Joseph Estrada. Okt. 2004 nabisto si Garcia at Peb. 2005 nang sampahan ng kaso; sa mabilis na paglilitis, sinentensiyahan siya nu’ng 2008. Abr. 2001 nang isakdal si Estrada, at 2005 nang sentensiyahan -- bago maglaho ang interes ng madla sa kaso.