LIBANG na libang ang madla sa pulitika. Kasi nga naman parang telenobela ang mga kagila-gilalas na kaganapan, halimbawa, sa kaso ni Leila de Lima o sa posisyon ni Leni Robredo, at sa mga kontrobersiyal na pahayag ni Rodrigo Duterte. Live telecast pa, at kung minsa’y sabay-sabay na oras, kaya mainit na nagpapalipat-lipat ng channels.
Pero nakakasama kay Juan dela Cruz ang pagkalulong sa politika. Kailangan niyang maghanapbuhay, kundi’y magugutom. Binabaling ng pulitika ang atensiyon niya mula sa kokonti na ngang trabaho.
Wala namang dagdag na dayuhang puhunan na pumapasok sa bansa para lumago ang trabaho. Walang gaanong maaasahan mula sa China, na palubog ang ekonomiya, samantala ang Russia ay hindi namumuhunan sa ibang bansa. Natatakot ang European Union at America sa mapusok na Presidente, at wala silang nakikitang katangi-tanging programang pang-ekonomiya para dumagsa sa Pilipinas. At naghihingalo ngayon ang kaisa-isang higanteng kumpanyang Koreano sa Subic, na malaking mag-empleyo. Kaya lalala ang kawalan-trabaho.
Sumisirit na ang presyo ng gasolina dahil sa matinding excise taxes at pagbagsak ng piso. Itataas nito ang presyo ng pagkain, pamasahe, tubig, kuryente, at upa.
Magtitipid ang mga lokal na negosyo, imbis na magpalaki. Hindi rin sila maaasahan magdagdag ng empleyado. Pati maliliit na hanapbuhay, tulad ng tindahang sari-sari, ay tutumal.
Habang kumakalam ang sikmura, mababatid ni Juan dela Cruz na oras nang i-off ang telenobela. Iitim ang TV screen, kasing dilim ng kanyang kinabukasan. At sa lalim ng gabi sa labas ng bahay mauulinigan niya ang mga putok ng baril sa pagliligpit sa pinaka-huling pinaghinalaang drug pusher sa komunidad.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).