INUSISA sa Kongreso kamakailan si Undersecretary for Air Transport Joseph Lim kung ilan ang government airports sa buong bansa. Mahigit 80, aniya. At ilan na ang nabibisita niya? Dalawa lang, inamin niya, ang airport sa Manila na kanyang siyudad, at ang sa Davao kung tagasaan si President Duterte. Hay naku, kaya pala hindi niya alam ang kalagayan ng air transport sector!
Sa sea transport sector magulo rin ang sitwasyon. Merong mga nagpoprotesta na overstaying na umano ang commandant ng Coast Guard. Nilalakad umano ng ilang regional port officials na magpagawa ng pier sa mga kontratistang nagbabalato ng kickbacks. Patuloy na pinapayagan ng inspectors ang mga may-ari ng barko na itaas ang Plimsoll markers, para makapagkarga pa ng libu-libong dagdag na tonelada -- miski ikabubuwal ito ng barko sa maalon na dagat. Patuloy pa rin ang mga raket sa paglilisensiya ng seafarers para sa mga barkong international at domestic.
Sa land transport sector, lumalala rin. Parami nang parami ang mga bagong sasakyan, pero wala pa ring maibigay ang Dept. of Transport na mga plaka ng rehistro. Magulo pa rin ang registration computer database. At wala ring maibigay na plastic drivers’ licenses. Tumitindi ang kriminalidad dahil walang pagkilanlan ang mga pulis ng getaway vehicles at drivers. Samantala, lumalala ang trapik sa Mega Manila, Metro Cebu, at Davao City.
Sa rail at tollways sector, patuloy ang pagkabulok ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3. Hinahayaan ni Undersecretary Noel Kintanar ang maintenance contractor na hindi palitan ang sira nang spare parts ng mga bagon, power supply, at signaling system. Nagbabalak pa siya na itaas lahat ng toll sa mga highways sa Luzon -- dagdag pahirap sa lahat.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).