WALA nang mabasa sa diyaryo o internet o mapanood at mapakinggan sa TV at radyo kung hindi malagim at malaswang balita. Para bang umaapaw na sa negative energy ang lipunan. Ang testimonya nina Kerwin Espinosa at Ronnie Dayan sa imbestigasyon ng House at Senate ay punumpuno ng kuwento ng kriminalidad na nakakasuya nang subaybayan.
Hindi rin nakakatulong ang inaasta ng ating mga mambabatas na nag-aagaw-eksena at lalong pinapatagal at pinipiga ang usapin para lamang makapuntos sa Presidente at publiko. Mayroon nang sapat na batayan upang magsampa ng kaso laban sa mga isinangkot. Una na rito si Senadora Leila de Lima. Mas maganda na siguro kung sa hukuman na nila idiretso ang nakalap na impormasyon nang maumpisahan na ang higit na maayos na imbestigasyon na naayon sa takdang proteksiyon ng batas. Sa ganitong paraan lang mapapatunayan ng walang duda kung may katotohanan nga ang mga paratang.
Sa hukuman din makakaharap sa wakas ni De Lima ang mga akusasyon laban sa kanya at, kung tutoo nga ang kanyang paliwanag, mabibigyan itong pagkakataong malinis ang kanyang nasalaulang pangalan.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang bad news, may naaaninag tayong positibong balita kahapon. Ito ay ang pagsampa sa Senado ng Senate Bill No. 1163 or the Youth Suicide Prevention Act na nagpapanukala ng pagtatag ng isang ahensiya na ang trabaho ay mag-akda ng mga estratehiya upang awatin ang dumadaming suicide ng mga kabataan. Halos 46% ng mga nagpapakamatay sa bansa mula 2010 ay galing sa hanay ng kabataan. Mayroon ngang 10 years old na napapasama sa istatistika.
Ang panukala ay naglalayong isulong ang edukasyon ng publiko sa mental health at suicide prevention. Masisiguro ito kung pagtutuunan ng atensyon ang pag-research at gastusan din sana ang medical support na kritikal sa pagsugpo ng tumataas ng insidente ng youth suicides.
Sa dagat ng masamang balita, isa itong kumikinang na positibong hakbang. Bravo sa may akda ng panukala, Senador Joel Villanueva.