HINDI ako pabor na gawing witness ang mga taong nahatulan na tulad ni Jaybee Sebastian at iba pang kasamahang nakapiit sa New Bilibid Prison. Ginagamit lang sila ni DOJ Sec. Vitaliano Aguirre para maidiin si Sen. Leila de Lima tungkol sa drug trade sa Bilibid. Ang gusto ng kasalukuyang administrasyon ay maalis sa puwesto ang senadora, kaya kahit pribadong buhay nito ay nauungkat na.
Itong ginagawa ng gobyerno kay De Lima ay kabastusan, pati ang pakikipagrelasyon sa driver/bodyguard ay isinapubliko pa. Ano naman ang koneksiyon ng pribadong buhay ng senadora sa trabaho nito? Wala di ba? Di man siya igalang bilang senadora, igalang naman siya bilang tao na may damdamin ding nasasaktan.
Dumating na ang “alas” na umano’y magsasabi kung sinu-sino ang mga sangkot sa droga sa ating bansa. Ito’y ang pinakamataas na druglord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa Jr. Ayon kay PNP chief Director General Ronald dela Rosa si Kerwin ang susi ng lahat para matunton kung sinu-sino ang mga sangkot sa droga. Sinundo si Kerwin ng 6-man team ng PNP sa Abu Dhabi. Kasama rin sa Abu Dhabi si Witness Protection Program (WPP) President Sandra Cam. May balak pa yatang ipasok sa WPP si Kerwin.
Sa pagdating ng isang mataas na drug lord sa bansa, parang binigyan pa ito ng heroes welcome. Maraming pulis ang sumalubong sa pamumuno ni Dela Rosa. Sinisiguro ng PNP na hindi mapapatay si Kerwin pagtuntong ng bansa. Ngayon nasabi na ni Kerwin ang mga taong sangkot sa droga, mabibigyan na kaya nila ito ng mahigpit na proteksiyon? Di ba ganyan din ang ginawa nila sa kanyang ama? Tumira pa nga ito sa white house kung saan ngayon nakatira ang PNP chief.
Kayo na lang ang humusga sa sarsuwela na ito.