MAHIRAP tanggapin ang naging hatol ng Korte Suprema ng payagan nito ang diktador na si Ferdinand E. Marcos na mailibing sa Libingan ng mga Bayani. Magkahalong lungkot at galit ang nararamdaman ngayon ng mga biktima ng martial law. Kahit ako, nasorpresa sa nangyari. Insulto para sa mga naging biktima ng martial law ang sinasabi ng mga Marcoses na kailangan nang mag move-on at kalimutan na ang nakaraan. Para sa akin, paano maghihilom ang sugat ng nakaraan kung wala namang hustisyang nakakamit ang mga naging biktima nito. Masakit man para sa akin o para sa mga biktima ng martial law pero kailangan nating igalang ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman.
Ang problema sa ating mga Pilipino, madaling makalimot at hindi na naaalala ang mga ginawa ni dating President Marcos sa ating bansa. Kulang sa kaalaman ang ating mga kabataan tungkol sa nakaraan. Sana ay hindi huminto ang ating mga paaralan na ipaalala sa mga mag-aaral kung ano ang nangyari sa ating kasaysayan nung panahon ng diktador. Hindi nila alam ang mga nangyari noon na empower sa loob ng 20 taon. Maraming nagprotesta karamihan sa kanila ay sumakabilang buhay na at ang iba naman ay matatanda na. Isa ako sa mga taong lumaban sa mga Marcos, kaya hindi n’yo ako masisisi kung bakit ganito na lang ang nararamdaman ko sa naging desisyon ng SC.
Ayon sa ating mga kababayan, kailangang humingi ng kapatawaran sa ginawa ng kanilang ama sa mga biktima ng martial law. Ibalik ang kanilang mga ninakaw na yaman sa pamahalaan. Mukhang mahihirapan tayong mabawi lahat ang kanilang mga ninakaw sa ating bayan.
Ngayon dito sa pamahalaang Duterte ako’y nangangamba na baka maulit muli ang martial law. Wag naman sana tama na sobra na.
“Those who do not learn from the past are doomed to repeat it.”